Simbang gabi. Kung di mo alam ito,
siguradong di ka Pilipino o Pilipino ka na hindi lumaki dito sa bansa dahil
dito sa Pilipinas ay halos katunog na ng Pasko ang salitang ito. Sa siyam na
gabi na sa katunayan ay madaling araw ay nagsisimba ang mga Pilipino para sa
paghahanda ng Pasko. Isa ito sa mga tradisyon ng mga Pilipino na buhay na buhay
pa hanggang ngayon. Maamoy mo ang Pasko dahil dito, sa simbahan na puno ng mga
Christmas lights at parol, at sa labas naman ang mga kakaning puto’t bumbung,
kutsinta, bibingka at iba pa. Para mo na rin naririnig ang background music na
“Malamig ang simoy ng hangin. . . .” Oh
ha, paskong pasko na nga. Di mo mapipigilang ngumiti at simutin ang amoy ng
pasko.
Sabi nila pag nakumpleto mo ang siyam na
simbang gabi ay mabibigyan ka raw ng isang kahilingan. Kuwento ito para sa mga
bata na para gustuhin nilang magsimbang gabi. Siyempre umagang umaga eh mahirap
magising yun. Magandang motivation yun para magsimba sila kahit nakapikit pa
ang mata. Nung nasa elementary ako at high school ay palaging usapan ang simbang
gabi at kung sino man ang nakakakumpleto nito, pasikatan kung anong oras
nagigising, sinong nauuna sa simbahan, at marami pang iba. At siyempre hindi
ako pumapahuli dun dahil palagi akong kumpleto, kumpleto na hindi
nakakapagsimbang gabi dahil sa sobrang antukin. Ang totoo niyan ay isang beses
ko pa lang ito nakumpleto at yun ay ng kolehiyo na ako.
Mga bugnutin at mahilig matulog ang mga
Pinoy at mahirap magising sa oras na alas 3 o alas kwatro kaya bakit nga ba ito
ang naging oras ng simbang gabi? At sa totoo eh madaling araw naman talaga ito.
Ang kuwento diyan ay maibabalik pa natin noong panahon ng kastila. Nagpahayag
ng kanilang hinaing noon ang mga Pilipino na karamihan ay magsasaka at
mangingisda na hindi sila makasimba sa Misa de Gallo dahil maaga silang
gumigising, alas 3 o alas 4 paras sa kanilang trabaho at di na magagawang
makasali sa misa tuwing alas singko at sa gabi naman ay pagod na pagod na sila
para makasimba sa huling misa. Kaya gumawa ng paraan ang mga pari at naisipan nila na magkaroon ng misa de gallo
bago pa sa oras na magtratrabaho ang mga magsasaka at mangingisda, at dito nabuo
ang simbang gabi na hanggang ngayon ay tradisyon na natin. Dito lang ito sa
Pinas, wala ito sa ibang Katolikong bansa at kung meron man ay dahil ito sa mga
Pilipino na nandoon. =)
Ang simbang gabi ay minsan din nagiging
komedya. Marami kang makikitang inaantok at nakapikit na mata. Ako ay nakatulog
na inaamin ko. Yung iba na nag Krismas Party at dumiritso sa simbahan ay
siguradong pulang pula na ang mata at nakakatulog. Minsan may naririnig ka na
humihilik. Minsan may natutumba sa antok dahil nakatayo lang. Yung iba madrama
na ang pagkatumba at ang ilan ay talagang nakakatawa lang. Minsan yung iba dahil
tulog na tulog ay di na namamalayan na tapos na pala ang misa. It's more fun in
the Philippines ika nga. Pero di na
mahalaga iyon, ang importante ay binubuhay pa rin natin ang tradisyong
Pilipino. Ang diwa ng Pasko.
PS: ang mga imahe ay nakuha ko lang sa google.
No comments:
Post a Comment