Bayang Magiliw. Ito ang kadalasan sinasagot ng kabataan at pati na rin ng ilang
matatanda kung tinatanong tayo kung ano ang pambansang awit natin. Tapos
pagsabihan mo na Lupang Hinirang ang pamagat nito ay mapapatawa na lang kayong
dalawa. Normal na lang na mapagkamalan na Bayang Magiliw ang pamagat ng ating
pambansang awit. Ito naman kasi ang panimulang linya sa lyrics ng kanta kaya bago paman
natin mapigilan ang ating sarili ay automatic na ito ang ating naisasagot. No
harm done. Sa katunayan ay nagbibigay pa ito ng katuwaan sa lahat dahil sa
“bloopers” na nagawa mo. Ebribadi happy ika nga.
Ngunit
kung iisipin nating mabuti ay isa ito sa pinakamalaking lamat ng ating
pagka-Pilipino. Wala na sa puso natin ang paggalang sa ating pambansang awit.
Kung mapapanood mo sa T.V. at ilang mga videos makikita mo talaga ang
pagpapahalaga ng mga tao sa ibang bansa sa kanilang National Anthem. Kung
Mexico lang ang pag-uusapan ay maririnig mo talaga na sumasabay sila sa
pag-awit. Taas noo at marangal na pinapahiwatig ang pagmamahal sa bayan. Pero
dito sa Pilipinas? Wala, wala na ang paggalang sa bandila na simbolo ng ating
kalayaang pinaghirapan ng ating mga bayani.
Nanood
kami ng sine kasama ng nanay ko at kapatid. Last full show. Maganda na ang
pagkakaupo ko nun nang biglang tumunog ang Lupang Hinirang bago magsimula ang
palabas. Agad akong napatayo at muntik nang mahuog yung popcorn. Nakakalungkot
ang tanawin na yun. Trenta porsyento lang ng nandoon sa sinehan ang nakatayo
at iginagalang ang kanta. Yung iba nakaupo lang at walang pakialam, sabay kain
ng popcorn. Yung iba tingin ng tingin sa aming nakatayo at tila nangungutya pa.
Sarap batukan. Konting galang lang naman ang hinihingi ng bayan di pa
maigbigay.
Kung
napapadaan kaming magkakaibigan sa isang parke na my flagpole o sa mga
opisinang gobyerno ay humihinto talaga kame at nagbibigay galang pag natiyempo na flag retreat. Tumitigil
din naman ang halos lahat pag nangyayari ito pero meron ding makakapal ang mukha
o sadyang banyaga lang talaga na walang pakialam. Eh mabuti pa nga yung mga
foreigner eh tumitigil din sa ginagawa habang nakikita nila ang pagrespeto ng
mga Pinoy sa bandila pero sadyang may wala lang talagang pakialam. Sabagay di
ka naman huhulihin pag di mo iginalang ang bandila natin.
Naalala
ko pa noong elementarya pa ako at mahigpit na ipinatutupad ang paggalang sa
bandila. Bawal kumilos habang nagflaflag retreat. Lalo na pagkinakanta na ang
Lupang Hinirang ay dapat straight ang tindig, kanang kamay sa may puso, at
kakanta. No unnecessary movements. Pag gumawa ka ng mali, lagot ka kay maam. Pero
hinayupak naman o, naiihi ako noon. Sobrang mamatay na ako dahil punong puno na
ang pantog ko. Kaya sa parte na “Buhay ang langit sa piling mo” ay naramdaman
ko rin ang langit nang maihi ako sa shorts ko. Panandaliang langit dahil ang
sumunod ay kantsyaw, pati si Maam natawa noon lang hiya. Pero dahil dun ay ako
ang nabigyan ng most obedient student award. Di nagtagal nalaman ko rin na linoloko
lang pala ako. Ngunit habang naiisip ko yun ay naalala ko ang dating damdamin
na mapagmahal sa bayan na tila nawawala na sa akin. Ano nga ba ang nangyari?
Siguro
dahil na rin sa kabulastugan at kawalang halaga na ginagawa ng gobyerno sa loob
ng maraming taon ay nawala na rin ang pag-asa na nakikita ng mga Pilipino
habang winawagayway ang ating bandila.
Kung noon nakakataba pa ng puso ang pagkanta at pagtindig habang naririnig ang
pambansang awit ngayon ay para na lang itong tunog ng lamok na umaaligid sa
ating mga tenga. Kahit ako na tumatayo pag naririnig ko ang pambansang awit ay
di ko na nararamdaman ang “pride” na nasa akin noon nang kinakanta ko ang
pambansang awit. Nawala na habang namulat ako sa katotohanang napakarumi ng
politika sa Pilipinas. Ang pag-asang binibigay sa akin noon ay wala na at
naglaho.
Ganito na
rin ang nararamdaman ng karamihan. Dinadala ng mga politiko at kanilang
pamamalakad sa gobyerno ang dangal ng bansa at bandila ngunit dahil sa gingawa
nila ay nawawalan na rin ng paggalang sa ating bandila ang karamihang Pinoy.
Patuloy na naghihirap ang mahihirap,
walang magawang matino ang gobyerno, puro kurapsyon at nakawan. Sa tingin mo ba
ay magkakaroon ka pa ng gana na tumayo tuwing tumutugtug ang pambansang awit.
Nawala na ang pag-asa. Nawala na ang bukas. Kanya kanyang kayod na ito.
Sana
umabot pa ako sa panahon na taas noo kahit kanino pa ring kakantahin ng lahat ng
mga Pinoy ang ating pambansang awit. Yung maririnig mo ang lahat sabay-sabay
kumakanta. Mararamdaman mo ang pagiging makabayan ng lahat. Sana hindi pa huli
ang lahat para sa mahal kong Pilipinas.
No comments:
Post a Comment