Siyempre dahil book report ang
topic natin kahapon, hindi ito kompleto kung wala ang pagsusuri. Nandito sa
parteng ito kung paano naintindihan ng mambabasa ang ang libro at kung talagang
nakuha niya ang mensahe o nagcopy-paste lang siya sa internet. Masaya ang
parteng ito dahil dito talaga malalaman ng prof mo kung tunay kang nagbasa o
gumagawa ka lang ng iyong sariling pagsusuri. Dito mo rin malalaman kung
binabasa nga ng prof mo mga gawa mo o tuluyang itinatapon para ipakain sa
kampon ng kadiliman.
Ang susunod na kuwento ay true
story (pramis at dis is really absurd!):
Deadline na ng pagpasa ng isang
reaction paper at dahil ang isa kong kaibigan ay magaling na estudyante ay
nakalimutan niyang gumawa. Dapat kasi naaalala mo ito one hour before passing
para may 30 mins ka pa makagawa. Sa kasamaang palad ay nakalimutan niya talaga.
He was on the verge of panicking dahil kelangan talaga ang papel na iyon at ito
ang magdidkta sa kinabukasan niya. At para mas masaya pa, one-page reaction
paper lang yun at hindi talaga siya papanic dahil ang totoo 3 hours before ay
alam na niya. Tinatamad lang talaga gumawa hanggang di niya namalayan 10 mins
nalang. Ohhh what to do? INC nalang? No way jose! Nakita niya isang kaibigan
namin na kaklase niya sa subject na iyon at hininga niya yung reaction paper.
Pumunta sa xerox center, kopya at liquid copy pa! Kung saan manipis ang bond
paper na parang see through at ang labo ng ink. Humiram ng white-out at binura
ang pangalan ng hiniraman para isulat ang pangalan niya. Oh yes, encoded yung
buong paper pero yung ibabaw ay ginamitan ng white-out at sinulatan lang ng
ballpen, asul pa ang kulay. Ipinasa niya
ito habang kami ay tawa ng tawa. We were sure na hindi makakalusot yun at
tatawagin siya ng kanyang prof. After a
week ay ibinalik na sa kanila ang kanilang ouput and ohmygoodness, flat 1 ang
grade niya kahit klarong klaro na ipinaxerox lang niya ang papel na iyon. And
the legend begun.
Anyway, matapos ang mahaba kung
patalastas ay bumalik na tayo sa aking pagsusuri sa ating kuwentong Alamat ng
Gubat. Nalaman natin na ang isang bansa ay maiihalindtulad sa isang malaking
gubat. Kung sino ang mga makapangyarihang hayop ay siyang gumagala at ang mga
maliliit naman ay nagtatago. Iniiwasang maging biktima at maging ulam ng mga
naglalakihang mga hayop. This book really depicts the socio-political status of
our country, where the ones who have power and position rule the top and the
normal citizens like us are being played at palm of there hands. Sino ba ang
hari ng gubat? At ano ba ang puso ng saging? Tunghayan ang aking pagsusuri na
pa-deep-kuno at parang pinag-isipan.
Si Tong at ang Karagatan
Ang bida sa storya
ay si Tong, isang talangka, anak ng hari ng karagatan na may sakit. Kung
susuriin natin, naipapakita dito na si Tong ay katumbas sa isang lalaki na
ipinanganak sa mabuting kapaligiran at masaganang buhay. Ang ama niyang hari ay
sumisimbolo ng isang makapangyarihan at mayaman na tao. Si Tong ay nabuhay ng
mabuti at hindi dumaan sa mga paghihirap ng buhay. Isa siya sa mga taong
mapapalad na pinanganak sa “upper class”.
Si Buwaya, Bibe, at Palaka
Ang mga karakter
na sumisimbolo sa mga may kapangyarihan sa kagubatan. Sa ating bansa ay
maraming buwaya at katulad nang hayop na sinisimbolo nito ay ang kanyang ugali.
Sakim at gustong maankin ang lahat. Makikita natin ito sa kuwento ang paghingi
niya ng perlas kapalit nang impormasyon. Maihahalintulad ito sa mga kurakot na
“public officials” na naka upo sa gobyerno. Kapangyarihan at kurapsyon, ito ang
bumubuhay sa mga buwaya na gustong ankinin ang lahat.
Ang
Bibe ay sumisimbolo sa mga “social climber” nang ating kommunidad. Nag-aayos
maganda, pasexy, at kaakit akit upang mahumaling sa kanila ang mayayaman at may
kapangyarihan na katulad nina Palaka. Si Palaka katulad ni Buwaya ay sa mga
taong nasa posisyon din. Mga opisyal ng gobyerno na nakaupo sa mga mahahalagang
opisina upang maiplementa ang pagbabago sa bansa ngunit ito ay kanilang
sinasamantala. Sa kuwento ay sinabi na ninakaw daw ni Palaka ang mga perlas sa
karagatan na pag-aari ng ama ni Tong. Parang sinasabi dito na ang mga perlas ay
ang mga nakukurakot ng ibang mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng mga gastusin
sa mga proyekto na para namang hangin.
Si Leon at Daga
Makikita
sa dalawang karakter na ito na ang makapangyarihan ay hindi kelangan na
naka-upo sa gobyerno. Kung akala natin ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa
ay ang Presidente, nagkakamali po tayo diyan. May mga taong hindi natin
namamalayan o masyadong naririnig pero may malakas na impluwensya sa mga
desisyon at kung ano ang tatahakin ng bansa. Sila ang may minsan kapit sa
kommunidad at kinatatakutan ng mga tao. Halimbawa na lang dito ang mga
sindikato, ang lider ng sindikato ay kinatatakutan ng lahat pati ng mga taong
may posisyon sa gobyerno tulad ni Buwaya. Ang mga taong ito ay ang Leon ng
kagubatan, makapangyarihan at kinikilalang hari ng lahat. Hindi na kelangan ng
titulo dahil tingin palang ay alam na natin na siya ay dapat katakutan.
Siyempre,
di mawawala ang kanang kamay ng Leon at ito ay pinakita ng may-akda sa
pamamagitan ni Daga. Mapapatanong tayo kung bakit daga ang ginamit na
simbolismo ng may-akda. Simple lang naman, dahil ang daga ay mabaho. Ito ang
makakita mong gumagawa ng mga “dirty jobs” para kay Leon. Siya rin ay taksil at
tagasumbong kay Leon sa lahat ng nangyayayari sa kapaligiran. Ika nga nangangamoy.
Si Ulang
Si Ulang, ang gumagawa nang wala. Masarap ba ang walang gingawa
pero binbayaran? May sahod at benipisyo? Ang mga empleyadong nakaupo lang
mag-hapon sa opisina, late na dumadating. Puro lang snack at natutulog pa. Mga
taong mahilig gumawa ng wala para magkapera. Inililista ang ginawang trabaho sa
araw eh sa katunayan wala namang ginawa. Para makakickback at magkaroon ng
sapat na pera. Mga taong gumagawa nang wala.
Ang mga Insekto
Sila ang
sumisimbolo sa nakakaraming masa dito sa bansa, ang mga mahihirap, magsasaka,
mangingisda, at iba pang nabibilang sa “lower class”. Makikita natin dito ang
kanilang damdamin na dahil hindi sila pinapansin at napapabayaan ng gobyerno ay
kelangan nilang maghimagsik at isigaw ang kanilang mga hinanaing. Naipakikita
rin dito na sa mga ganitong pangyayari ay lumalabas ang mga oportunista tulad
ni Tipaklong na interesadong matuloy ang himagsikan at reporma para mapabuti
ang ang sariling estado ng buhay na sa katunayan naman ay wala naman talaga siyang
gingawa sa buhay. Ito ay mariing tinutulan ni Langgam na siyang nagsusmikap
para makaahon sa buhay. Isa sa magandang sinabi nya ay, “Ang laki at liit ay
nasa isip lamang. Bakit kami ni Gagamaba at Bubuyog may naipundar din naman?
Nasa pagsisikap lang yan ng tao.” Tama naman siya, ang isa sa mga rason kung
bakit marami ang naghihirap ay nasa mentalidad na rin nating mga Pilipino na
umasa sa tulong ng iba. Kung lahat tayo ay tulad ni Langgam siguro sa pagsisikap
at tiyaga ay may naipupundar na rin tayo di tulad ni Tipaklong na puro lang
reklamo.
Ang Mga Hayop Sa Kagubatan
Ang
Masa, naipapakita ng bawat hayop ang
karakter ng mga tao at sitwasyon ng bansa natin. Mabagal, magulo, at walang
pagkakaisa. Sinisimbolo ni pagong ang
kabagalan natin sa pag-unlad at conservatismo. Ang humahadlang sa atin upang
subukan ang modernong pamamaraan dahil ito ay hindi naayon sa ating mga paniniwala.
Pinipigilan ang mga bagong programa na magdadala sana sa atin sa sunod na
bahagi dahil ito ay hindi sang-ayon sa matagal ng paniniwala at linalabag ang
utos na kanilang mga isinulat. Matagal na silang nandito at kahit noon pa man
napagdesisyunan ng maihiwalay sila sa gobyerno ay patuloy pa rin nila itong
pinakiki-alaman. Conservative, ikinukulong tayo sa mga dating paniniwala kaya
bumabagal ang pag-unlad ng ating bayan.
Isa
rin sa ipinakitang kahawig na nangyayari sa ating bansa ay ang eleksyon na
naganap laban nina Pagong, Aso, Kuneho, Tipaklong at Langgam. Pinakita kung
paano nila nililigawan ang madla. Puno ng mga pangako na hindi naman kadalasan
natutupad. Lahat ng gimik ginagawa upang makuha ang boto ng mga tao. Ang mga
mabubuting kandidato na tulad ni Langgam ay siya ring natatalo dahil sa mga
maruruming taktika ng mga kalaban. Katulad ng pagbibili ng boto katulad ng ginawa
ni Kuneho at Aso para mabili ang boto ng mga Langaw.
Ang Plano ni Leon
Katulad
sa kagubatan, dito sa ating bansa ay may mga “predator” at ito ang
makakapangyarihang nilalang na komokontrol sa ating lipunan sa anino. Ang mga
mayayamang makapangyarihan na kahit ang gobyerno ay walng nagagawa at ito ang
inaanino ni Leon na gustong lipunin ang mga hayop na nagtatangkang bumuo ng
gobyerno at puso ng saging. Sa pamamagitan ng matinik niyang kanang kamay na si
Daga, dito naipapakita ang mga ahas sa lipunan na siyang nakkikinig at
kumakalap ng impormasyon par ibigay sa kanilang “boss”. Ginamit ni Leon si Tong
Katulad ng paggamit ng ilan sa iba upang makamit ang kanilang hangarin.
Sa
kuwento rin ay nagpakita si Katang, kapatid ni Tong na nagtaksil sa kanya sa
pamamagitan ng pagbenta sa kanya kay Leon kapalit ang tatlumpung pirasong pilak
na maihahawig natin sa pagtaksil ni Hudas kay Hesus. Dahil sa inggit at galit nito kay Tong ay
pinagtaksilan niya ito. Ito ay makikita sa lipunan natin, mga kapatid at kaibigan
na nagtataksilan at nag-aaway dahil sa inggit at paghahangad ng kapangyarihan.
Ang Puso ng Saging
Ito
ang sumisimbolo sa pag-asa at konsensya ngunit sa kuwento ay inaakala din ng
mga hayop na ito ang mag-aahon sa kahirapan. Naipakita na sa huli ang sariling
interes din ng bawat isa ang kanilang iniisip katulad sa bansa natin na kulang
ng pagkakaisa at halos lahat ay sarili ang iniisip. Ang puso ng saging ang
pag-asa ngunit kung gagamitin sa maling paraan ay ito rin ang ikakaguho at
ikasisira ng ating lipunan.
Si Matsing at ang Panibagong Simula para kay Tong
Kung
naghahanap ka ng saging kanino ka magtatanong? Yan ang tinanong ni Matsing kay
Tong. Marami sa ating Pilipino ang naliligaw, hindi alam ang patutunguhan at
kadalasa ay naghahanap sa maling lugar katulad ni Tong na hinanapa ang saging
sa maling lugar at sa maling tao na nagresulta ng pagkasira ng kagubatan.
Marami ang mapagsamantalang nilalang katulad ni Leon at Buwaya, kaya kailangan
ay marunong tayong tumingin at hindi nag papa-uto. Ito ang tinuro ni Matsing
kay Tong, na tayong mga Pilipino ay hindi dapat uaasa lang sa daloy ng buhay,
na tayo ay dapat kumilos at simulan ang pagbabago mismo sa ating sarili. Tayo
mismo ang magsisimula nito, konting disiplina lang, kung ang mga namumuno ay
iisipin nila ang kapakanan ng lahat, kung nagkakaisa lang tayo upang malupig
ang Leon at Buwaya ng lipunan, kung gagamitin lang natin an puso ng saging para
sa pagbabago. Makikita din natin ang pag-asa sa likod ng lahat ng ito. Katulad
ng sa huling bahagi ng libro, lalabas din ang bahaghari.
No comments:
Post a Comment