Hinahanap Hanap Kita (in english "Search Box")

Blag!!!!!

Ang blog na ito ay para sa kabataan, sa mga mahilig magbasa, gustong magpalipas oras, para din sa inaantok o sa gustong matulog, gustong mabadtrip at mabuwset ang araw. Para din sa gustong tumawa (hindi sa galak kundi dahil sa "it's so absurd"), sa mga walang magawa, lalo na yung nasa mga opisina , para din sa magmamaster beat lang, sa mga kababaihan, estudyante, sa mga nabubulag, at lalong lalo na sa iyo na nagbabasa ngayon na alam kong mahal na mahal mo pa rin ang ating inang bayan. =) rakenrol!!!

GOOGLE

Saturday, November 24, 2012

Lilim ng Puno



Maraming klase ng puno pero maklaklasipika natin ito sa dalawang kategorya; ang madaling tumubo at madaling pakinabangan at yung mga matagal tumubo na umaabot pa nang ilang taon para makita at magamit. Kung papagpiliin ka, alin ang itatanim mo?  Siguro maganda yung mga punong madaling tumubo, mapapakinabangan kaagad at malalasap mo ang bunga. Di tulad ng isa na baka mamatay ka pa ay di mo pa magamit.  Sa panahon ngayon, ano ba ang mas mahalaga? Ang kapakanan natin o ang para sa iba? Nagtatanim ba tayo ng mga puno para malasap natin ang mga bunga nito o itinanim natin ito para sa susunod na henerasyon? Bakit ba tayo naging isang lider? Ganyan ba kaimportante para sa isa ang makilala ka habang buhay pa? Makapagtayo nang “Legacy” para maipagmalaki sa iba?  Ikaw ano ba ang itatanim mo? Ang punong malalasap mo pa ang lilim o ang punong alam mo na hindi mo na makakamtan ang bungang hinahangad?

Ito ay isang kuwento tungkol sa magkapitbahay. Napansin nila na tuwing tag-araw ay napakainit sa lugar nila. Napagdesisyunan nilang magtanim ng puno sa kanya-kanyang bakod. Pinila ng una ang punong madaling tumubo na sa loob lamang ng dalawang taon ay makakapagbigay na lilim na kanyang inaasam. Ang isa naman ay pumili ng punong matagal tumubo, halos aabutinpa ng limanpung taon para malasap ang lilim na kanyang pinapangarap. Pagkaraan ng ilang taon ay lumaki kaagad ang punong itinanim ng una. Malapad at  nakapagbigay ito ng lilim na kanyang gustong gusto lalo na sa init ng panahon. Nadarama niya ang preskong hangin sa ilalim ng puno at tuwang-tuwa siya. Ipinasikat pa niya ito sa kanyang mga kakilala. Pinadama niya sa kanila ang coportableng pakiramdam na kanyang nadarama sa ilalim ng punong ito. Hinikayat pa niyang gayahin din siya at pawaring tinukso ang kanyang kapitbahay na sa panahon na iyon ay sing taas palang niya ang punong itinanim. Sana daw ay ginaya na lang daw ng kapitbahay niya ang punong napili niya at sa gayon ay dalawa na sana silang may masisilungang lilim. Wala daw kwenta kung di mo naman magagamit ang bunga ng iyong pinaghirapan. Tiniis lang ng kapit bahay niya ang pangungutya. Pagkalipas ng ilang taon ay may trahedyang naganap. May dumating na bagyo sa kanila at sa kasamaang palad  natumba ang punong itinanim ng una at sa bahay nila ito tumama. Napilitang lumipat ng lugar ang lalakeng nagtanim ng punong mabilis tumubo. Mahihirapan siyang ibangon muli ang buhay ng kanyang pamilya sa lugar na iyon. Siguro dahil nga madaling tumubo ay hindi maganda ang pagkakapit ng mga ugat sa lupa kaya madaling napabagsak nang bagyo.

Pagkalipas ng maraming taon, nang matanda na siya ay naisipang bisitahin ng lalakeng nagtanim ng punong mabilis tumubo ang dati niyang lugar na kinagisnan. Ibang iba na ito, sa tagal niyang hindi nakapunta dito ay di na niya halos makilala ang lugar. Habang naglalakad siya ay nakita niya ang isang napakalaking puno, ang taas, ang lalaki ng mga sanga, at ang lawak ng lilim na naibibigay nito. At dito niya naalala, ito pala ang lugar na kung saan itinanim ng kapitbahay niya dati ang punong matagal tumubo. Nakita niya ang kapitbahay niya, ang tanda na rin na katulad niya ay may ilang taon na lang na natitira sa mundo. Ito ay kanyang linaptan at kinumusta. Hindi na pala ito nakakalakad at sa bahay na lang nanatili.

“Alam mo. Napakaganda ng punong itinanim mo. Ang lawak n lilim na naibibigay nito. Preskong presko sa pakiramdam pero kaibigan, sayang din lang naman ito. Kung katulad ng punong itinanim ko ang iyong ginamit sana ay nalasap mo ang napakasarap na lilim na naibigay nun. Di tulad nito, hindi mo na magamit ang iyong itinanim dahil matanda ka na at di na makalabas. Para saan pa ang lilim ng punong ito?”

“Kaibigan, sa simula pa lang ay alam kong di ko na malalasap ang lilim ng punong aking itatanim. Hindi yun ang intensyon ko. Itinanim ko ang punong ito dahil ito ay matatag at hindi kaagad matutumba. Itanim ko ito dahil alam kung magiging maganda ang lilim na maibibigaw nito balang araw. Hindi ko ito itinanim para sa aking sarili. Nakikita mo ang mga anak at apo ko sa ilalim ng puno? Nakikita mo ba ang kanilang ngiti at sarap na nararamdaman sa ilalim ng lilim ng puno? Itinanim ko ito para di nila madama ang init na nadarama natin noon sa kawalan ng puno. Itinanim ko ito para makita ko ang mga ngiting iyan.   Itinanim ko ito para sa kinabukasan.”

PS: Ang kuwentong ito ay gawa ko lang. At oo ang pamagat nito ay Lilim ng Puno. Inspirasyon ko talaga ang kasabihang nakapaskil sa itaas. Napakamakahulugan talaga ng kasabihang iyon. Sana nagustuhan niyo ang kuwento. Nagawa ko yan habang inom ng inom ng chuckie at isang oras na paglalakbay ng isipan. :D 

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...