Hinahanap Hanap Kita (in english "Search Box")

Blag!!!!!

Ang blog na ito ay para sa kabataan, sa mga mahilig magbasa, gustong magpalipas oras, para din sa inaantok o sa gustong matulog, gustong mabadtrip at mabuwset ang araw. Para din sa gustong tumawa (hindi sa galak kundi dahil sa "it's so absurd"), sa mga walang magawa, lalo na yung nasa mga opisina , para din sa magmamaster beat lang, sa mga kababaihan, estudyante, sa mga nabubulag, at lalong lalo na sa iyo na nagbabasa ngayon na alam kong mahal na mahal mo pa rin ang ating inang bayan. =) rakenrol!!!

GOOGLE

Wednesday, January 30, 2013

Cheers!!!

Enero 31, 2013

Isang bote lang. Ngayong gabi. Pampatulog lang. Para pag-uwi  niya, wala na siyang iintindihing iba. Kaagad mahihiga at matutulog. Di naging maganda ang araw niya sa skul. Palapak yung report at inis siya sa groupmates niya. Hindi manlang naghanda, sa kanila na nga lang ehh memoryahin yung parte nila. Siya na nga yung gumawa ng powerpoint presentation, yung hinihingi lang niya ay sumipot sila ng handa at di late. Ngunit wala.   Lasing nanaman sina Dani at Jr, amoy alak yung aircon na room habang nagrereport. Utal-utal at di maintindihan yung salita ni Dani. Si Jr naman tawa ng tawa.  Di naman nakapagsimula kaagad dahil late dumating si Jul, siya sana dadala ng laptop. Pagdating niya ay nakalimutan pa. Iritadong iritado si Sir kanina at pinahiram na lang laptop niya para di lang matagalan. Yung isang groupmate naman nila absent. Pero ano pa ba aasahan mo kay Gogo. Kamalasan talaga na napasali siya sa grupo na puro lalaki. Mga walang pakinabang at silbi. Ayun, kailangan ulitin report nila. Bahala na madrop. Wala namang patutunguhan  ang grupong yun. Di na lang siya sana nag absent nung groupings. Napunta pa siya sa mga ungas na to. Sorry nang sorry si Jul kanina sa kanya, ang kanyang pinakamalapit na kaibigan, pero bahala. Bitch-mode siya ngayon kaya di niya pinansin. Diritso siya dito sa tambayan. Kakabuwiset. Maka-isang beer pa nga.

Kanina pa si Kresta, siya yung unang tao sa bar. Binati siya ni Birhel, ung may-ari ng bar. Kaagad serve ng isang bote ng RH. Kinamusta niya sandali si Jeg, yung waiter, at saka tumungo sa kanyang spot. Gusto lang niyang mag-isa at makahanap ng katahimikan at malimutan ang kabuwisitan kanina. Mabuti dito sa Tambaynan ni Beerhell, kakapag-isip siya habang  wala pang masyadong tao. Nakakapasok siya kahit close pa ang sign dahil suki at barkada niya ang may-ari. Kaibigan na din niya si Jeg at ang bartender na si Tope. Mga working students din sila at nag-aaral tuwing umaga. Balak niyang ubusin kaagad ang bote, para alas ocho uwi na siya. Magsisidatingan  na rin ang mga regular na customer at kasama na dun sina Dani at Jr. Ayaw niyang makita ang pagmumukha nila.

Nung ala siyete na ay nagsisidatingan na rin ang ibang mga estudyante na balak maghappy-happy. Dumating na rin ang grupo ni Ambin, kasama si Lips, Rome, at Obin. Inuman na naman na walang humpay kahit may pasok bukas. Ganito talaga mga estudyante dito. Maligaya lang. Kahit exam bukas. Ayos lang. Ang exams parati lang yan nadiyan; may prelims, midterms, semis, at finals. Ang inuman minsan lang kaya di dapat pinagpapaliban. Kaya naman umuunlad tayo ehhh. Ngunit ito rin ang isa sa mga bagay na nagpapasaya sa mundo.

 Dumarami na ang tao. Mauubos na niya ang pangalawang bote at handa na siyang matulog.  Lulunukin na niya sana ang huling laman ng beer ng makita niya sa kabilang mesa si Dyed. At may kasamang babae.  Crush  na niya noon pa man ang lalaking ito. Ngunit dahil di pa niya ito nakikita na nagkasyota ay hindi siya nag-attempt na humalingin man lang ito. Naging magka-ibigan sila dahil sa  common like na nauwi sa pagsali ni Kresta sa org ni Dyed na Beats. Grupo ng mga mahihilig sa music, lalo na ang tunog banda. Sa dami ng nagkagusto kay Dyed ay ni isang babae eh wala itong naging girlfriend. Lahat sila tunganga lang pagnakikita siya. At kung totoo man ang killer smile, ilang beses na sana siyang nawekwek sa pambihirang ngiti nito. Akala na nga niya bading si Dyed, masayahin katulad ni Jul, pero okay lang. Gaya ng pagmamahal niya kay Jul na parang kapatid (kapatid na ayaw muna niyang maka-usap), ginusto niya si Dyed at tinanggap kung maging bading man ito. Pero hinayupak naman ohhh, sa araw na malas ka na nga, makikita mo pa yung crush na crush mong tao eh may kasamang iba at ang sweet sweet pa. Ang sarap ibato ang boteng hinahawakan niya ngayon

Nagmamadaling inubos ni Kresta yung bote para makaalis na kaagad ngunit napansin siya ni Dyed at kumaway sa kanya. Ngumiti lang siya at sumenyas na papaalis na. Ngunit lumapit sa mesa niya si Dyid, binigyan siya ng ngiti na nagpadoble pa ng epekto ng alcohol sa isip niya. “Oy, mag-isa ka lang? Dito na lang kame para usap tayo. Si Pemps nga pala.”  “Hi” nalang ang nasabi ni Kresta habang umupo ang dalawa sa mesa. Umorder pa si Dyed ng tatlong bote, sagot daw niya ngayong gabi.

Nagkakumustahan. Pilit tiningnan ni Kresta kung ano ang nagustuhan ni Dyed kay Pemps. Kahit maganda naman si Pemps, ngayong gabi ay isang mangagayuma ang tingin ni Kresta sa kanya. Habang nagkukuwentuhan ay nakasandig sa balikat ni Dyed si Pemps. Sheyt, inis na si Kresta, kung bakit ba nag-isang bote pa siya. Kasalanan to ng mga mokong, mas naging badtrip pa ang araw na ito.

Umalis bigla si Pemps para mag-cr. Tiningnan niya si Dyed, nakangiti pa rin. Ang ngiting ilang beses na siya muntik mawwlan ng hininga. Ngunit ngayon ay may iba na. Kahit sa kanya nakatingin si Dyid, ang ngiting  iyon ay para kay Pemps. Masakit isipin na hindi mapapasayo ang isang tao, ngunit mas masakit kong may nagmamay-ari na nito. Nag-usap sila, binaling na lang niya ang kuwento sa buwiset na pangyayari kanina. Tumawa lang si Dyed, alam naman niya ang ugali nina Jr at Dani. Lalo na si Gogo na dapat daw kasama niya ngayon at kainuman ngunit di nanaman sumipot. Gumagaan na ang loob ni Kresta ngunit bumalik na rin si Pemps. Di na niya natiis ang dalawa kaya nagpaalam na siya sa dalawa kahit pinilit pa siya ni Dyed na mag-isang round pa.
Naglakad lang siya pauwi. Gustong isigaw sa mundo ang hinanakit. Hindi siya marunong maiingit. Simple lang naman ang mga gusto niya. Ngunit ngayon ay inggit siya kay Pemps. Narealize niya na ang tanging bagay na gusto niya ay may nagmamay-ari na. Ayaw niya sanang mag-isip ng masama ngunit sa bawat hakbang niya ay nagtratransfrom na siyang bilang “bitter girl”.

Nasa gate na siya ng boarding house ng malaman niyang naiwan pala niya susi sa kwarto niya sa bar. Hiniram ni Tope yung nakaattach na can opener doon. Buwiset nga naman, ngayon babalik na ulet siya sa lugar na ayaw niya sanang nandoon siya ngayon. Andoon si Dyed pero malamang nakaalis na yun patungo sa madidilim na sulok. Sigurado andun si Jul niyan, hinhanap siya. At yung dalawang mokong na nagpapakalasing nanaman ngayon.

Wala na sina Dyed sa lugar. Sina BJ na at Nard ang nakapuwesto dun, mga kaibigan at nakainuman niya dati. Pagpasok palang niya sa bar ay narinig na niya ang malakas na tawa ni Jr, nakakairitang pakinggan. Paano kaya nakakatawa pa yun ng ganun kalakas matapos yung nangyari? Dumiritso siya sa counter kung saan nandoon si Tope. Nakangiti. Sinabing “alam kong babalik ka”.  Bigla siyang may narinig na kantahan. Napalingon siya at nandun si Jul, may dala dalang cake at papalapit sa kanya nakangiti. Nakangiti silang lahat, habang kumakanta ng happy birthday. Nakalimutan na niya na kaarawan niya ngayon. Napangiti siya. Kahit ang inis siya kina Dani at Jr pati na rin kay Jul ay nawawala na. Inihanda ni Jeg ang mesa kasama ang mg pagkain. Isang munting salo salo. Sa lahat ng makaka-alala eh itong mga ungas ang naghanda.

Nasa mesa na ang ilang kaibigan niya. Sumali na rin sina Tope at Jeg. Nagkakuwentuhan sila ni Jul. Kaya pala nalate ito dahil nagpagawa ng cake. Sina Dani at Jr nalasing dahil sumali sa beer drinking contest kagabi para may maipambili ng munting pagsasaluhan. At si Gogo, ayan dumadating palang dala ang isang regalo. Kaya absent dahil siya ang naatasang maghanap ng regalo. Nagkasiyahan sa mesa. Puno ng tawanan. Tumatawa na si Kresta, nakalimutan na ang nakakabadtrip na nangyari kanina. Nawawala na rin sa isip niya si Dyed. Sino ba ang mag-aakala na ang mga ungas na ito ang siya pang makakaalala at maghahanda para sa birthday niya. Kahit naman pala ganito, malaki talaga ang pagpapahalaga nila sa pagkakaibigan.

“Oh Kresta, inum na. Happy Birthday.” Sabi ni Jr, nakatayo at nakangiti habang nakataas ang bote at nakiki-cheers. Itinaas na rin ng iba ang bote nila. Hindi araw-araw ganito. Na masaya at nagtatawanan. Kukupas din ang mga panahon na ganito sa pagtanda mo. Di mo na makikita ang mga mukhang ito na nakangiti at nagpapasaya sa iyo. Somewhere along the road, lilingon ka at nanaising sana makabalik ka sa panahon kung saan lahat ay masaya. May report pa siya bukas pero sige lang, ang report palagi naman yang nandiyan, ang inuman minsan lang. Panahon ito para ngumiti at magasaya. Kinuha niya ang bote niya ng Redhorse, tumayo a ngumiti. Cheers!!!! 

Saturday, January 26, 2013

Harana


Uso pa ba ang harana
Marahil ikaw ay nagtataka
Sino ba tong mukhang gago
Nagkadarapa sa pagkanta
At nagsisintunado sa kaba

Mga maghahating gabi, yung mejo matahimik na. Kasabay ng  maliwanag na buwan, kasama ang barkada. Tutungo sa bahay ng magandang dilag, bitbit ang gitara. Para haranahin at mapalambot ang puso. Ito ang madalas kuwento ng matatanda. Noong unang panahon daw, yung manliligaw pumupunta talaga sa bahay. Doon nanliligaw, di tulad ngayon na patago na. Hinihingi muna ang pirmiso ng mga magulang. Kasama na sa harana ang pagsuyo sa mga magulang. Kung nagustuhan ang kanta mo eh papasukin ka sa bahay at paghahandaan ng makakain, kung hindi sigurado ihi na galing sa inirola ang sasalubong sa’yo. Ganyan dati wala pang selpon, lahat sulatan. Kung magkakilala ay kadalasan pure chance. Uso yung love at first sight, wala munang text text tsaka eyball, o email or chat. Kung torpe ka talaga dati, mahirap magkasyota. Mas okay din noon di ba?

At may dala pang mga rosas
Suot nama’y maong na kupas
At nariyan pa ang barkada
Nakaporma’t nakabarong
Sa awiting daig pa
Ang minus one at sing-along


Kung manghaharana ka ngayon ano kaya ang gagawin mo? Kung uso pa ba ang harana? Sabi ng karamihan, baduy na daw iyon. Di na uso sa ating henerasyon. Sa probinsya baka puede pa pero dito sa mga siyudad at umuunlad na mga bayan, mejo baduy na daw at di na patok. Baka maturn-off lang daw ang liniligawan mo. Maliguan ka pa ng ihi na galing sa inirola. Maraming ihi dahil galing din sa mga kapitbahay na nagising dahil sa ingay ng pagkanta mo. Pero di mo ba naiisip ay kikiligin pa rin ang babae kahit papano? Kung gusto ka nga niya talaga. O syota mo. Kung haranahin mo yan, sigurado pare mapapangiti mo yan. Kahit sintunado ka, she can appreciate the effort kahit ngayon. Grabe naman, di ka na niyan iiwan.







Puno ang langit ng bituin
At kay lamig pa ng hangin
Sa iyong tingin akong nababaliw giliw
At sa awiting kong ito


Kung maghaharana ka ngayon, sigurado puno ka ng kaba, eh sino nga ba ang hindi? Lalo na pagfirst time na pupunta sa bahay ng kasintahan o liligawan. Meeting with the parents din. Kaya mas mabuti na lang na imagine natin na kasintahan na natin ang magandang dilag na haharanahin. Siyempre una mong problema sino isasama mo. Sabihin mo pa lang sa mga barkada mo ito ay marami ng excuses yan dahil nahihiyang sumama. Pagmapilit mo naman, yung bribe sa kanila para sumama. Gaya ng lilibrehin mo ng pagkain o inuman. Tandaan mo yan. Siyempre, pumili ka ng gabing maganda ang panahon. Full moon para perpek. Ogag ka naman kung maulan ka mangharana.  Siyempre dapat ready ang lahat, text ang barkada kung may gitara na, yung shaker, at beatbox. Oh yeah 21st century dude!!!  Kung may battery speaker and mic pa mas hanep!

Sana’y maibigan mo
Ibubuhos ko ang buong puso ko
Sa isang munting harana
Para sa iyo

Anyway eto na, yung isang mahirap pa dyan eh paghihintay sa mga kasama, yung iba nakatulog at iba sadyang late lang. Gastos sa load pantawag. Buti may unli call and text, malas na lang kung ibang network ng tetext o tatawagan mo. Tapos pagkompleto na ang lahat, wag kalimutan ang pangshot. Oh yesss, sigurado ubod ka ng kaba niyan. Baka ka pa mahimatay sa kaba o kaya naman kung sa kantahan na di ka na makapagsalita. Baka yung mga barkada na lang ang kumanta ng lahat. Importante ring maganda ang piliin mong kanta. Tipong yung magpapaibig. Tipong maganda sa tainga. Ballad kumbaga. Acoustic chuvaness. Huwag yung rakenrol na my growl. BWHARARARARAHWHWHAAA, KAPANGYARIHAN NG HALIK NI HUDAS o kaya naman LAKAS TAMA AKO’Y NAWAWALA! Sigurado lakas tama din ang maaabot mo. Siyempre yung tipong “Ako’y sayo at ikaw ay akin lamang”. Oh kaya para mas maganda, Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, umibig ka ng panget at ibigin mong tunay.



Di bat parang isang sine
Isang pelikulang romantiko
Di bat ikaw ang bidang artista
At akong ang yung leading man
Sa storyang nagwawakas sa pag-ibig na wagas

Dahil may kanta ka na at nakashot ka na ng gin, buo na ang loob mo. Puwede na. Siya nga pala, wag kang magdala ng barkadang masyadong gwapo o kaya naman maganda yung boses. Baka sa kantahan masapawan ka, ehhh siya yung piliin at hindi ikaw. Golden Rule sa Panhaharana: Wag Magdadala ng Kaibigang Masyadong Gwapo o Napakaganda at Magaling Kumanta.  Pagsabihin pa ng magulang niya na dapat ito na lang yung naging boyprend. Kaya siguraduhin na masunod mo iyon. Siguraduhin mo rin na tamang bahay ang haharanahin mo! Magdala na rin ng payong para sa ihi. Kung swerte ka ay magiging maayos ang lahat. Lahat naman gagawin mo para sa minamahal mo di ba?=)))

Sa isang munting harana para sayo!!!







PS: Hiniram ko muna ang mga imahe sa paborito kong komix na kikomachine. Yung isa naman ay galing kay Jess Abrera. At para sa lahat ang kantang yan. Galing sa all-time favorite kong banda. Ang Parokya. =)))
   

Wednesday, January 23, 2013

Piso

Piso. May piso ka na lang sa bulsa mo. Kaya mo bang makipagsapalaran kung isang piso na lang ang pera mo? Ano na nga ba ang nabibili ng isang piso ngayon? Hanggang saan na ba ang naabot ng piso ng Pilipinas. Mula sa malalaking bilog na piso noon hanggang ngayon sa malilit na coin na paliit nang paliit pa ang halaga.



Kasabay daw ng pagliit ng laki ng barya ang pagliit ng halaga nito. Kung maaalala niyo, malalaki dati ang barya ng piso. Mas malaki pa sa sampung piso ngayon, kasing laki ng takip ng Vicks o ng takip garapon ng enervon. Ganun rin kalaki ang halaga ng piso noon. Noon marami na ang nabibili ng isang piso. Busog na busog ka na sa rami ng chichirya na mabibili mo. Noon naalala ko pa, isang piso pa lang ang pamasahe sa tricycle, kung bata ka ay singkwenta sintemos. Pati sa mga dyip ay piso rin ang pamasahe. Ngayon subukan mong magbayad ng piso sa dyip ehhh baka pagulungin ka. Naaala niyo pa ng apat na kendi yung nabibili ng isang piso. Apat na maxx na pula yun. Tuwang tuwa  ang loko noon pag may apat akong maxx. Ngayon isang piso na, swerte pag may nagbebenta pa ng  dalawang piso para sa tatlong maxx. Yung cotton candy. Isang cone ng ice cream. May dalawa ka na ring chichirya noon, yung may kasamang action figure na gawa sa plastic o goma. Yung sa amin gundam yun. Madalas ako bumili ng marami noon tapos laro kami ng “tira-tira” pag masapol mo yung action figure ng isa, sayo na yun, depende rin sa pusta. Anim na holens yung nabibili ng piso. Walong maliliit na teks at apat naman kung malalaki. Apat na mik-mik at choconut. Tatlong cellophane ng bobot. Labing anim na pink na bubble gum na nagpapapink ng dila. Dalawang pintura bubble gums. Plastic balloons. Dalawang piraso ng polvoron na kung swerte ka may isang piso na prize. Dalawang tsansa para bumugot ng numero sa mga prizes. Puede ka ring manalo ng manok. Dalawampung rubber bands. At sampung piraso ng papel. 

Mayaman ka na noon kung may kakayanan kang gumasto at gumasto lang ng piso. Pero madali lang ang kaligayahang ito dahil bigla bigla umangat ang mga presyo at bumaba ang halaga ng piso. Yung sigarilyong Champion na mabibili mo ng tatlong piraso sa isang piso ay naging isang piso na yung presyo kasabay ng maxx at mga chichiriyang may goma. Sa isang taon ay apat na beses nag-iba ang presyo ng pamasahe. Yung dating piso naging wanpipti, dos, tupipti hanggang kwatro. Kung allowance mo isang araw 10 pesos, dati may six pesos ka pa para gastusin. Ngayon, lalakad ka na lang pauwi dahil kulang na.

Kasama ng pagbagsak ng piso and pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas. Biglang nag-iba ang pamumuhay sa Pilipinas noong pumasok ng dekada nobenta at mas lumala pa hanggang ngayon. Pamahal nang pamahal ang bilihin. Pitong piso na ang pamasahe sa short ride. Pamahal nang pamahal ang mga bilihin. At walang ginagawa ang ating mahal na gobyerno. Habang yumayaman ang mga politiko ay parami nang parami ang mahihirap. Pabagsak nang pabagsak ang pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino. 

Kailan pa ba kikios ang gobyerno? Paliit nang paliit ang halaga ng piso. Hihintayin pa ba ito hanggang maging kasing halaga na lang ito ng isang sentimo?

Monday, January 21, 2013

Mang Jose




Jose Rizal. Noong araw ni Rizal ko sana ipopost kung ano man ang tawag dito kaya lang palaging may lakad ang iyong lingkod na feeling author kaya hindi ko matapos tapos. Siyempre krismas season daw, tipon tipon sa mga barkada at mga kaibigan kaya isang sentence lang ang nagawa ko at ngayon buburahin ko pa.  Pero tungkol pa rin ito kay Rizal. Oo kay Rizal na mahal nating tunay.








Pambansang bayani natin si Rizal, walang duda. Kahit maraming di sumasang-ayon at lumalaban dito ay opisyal na pinahayag na si Rizal ang ating pambansang bayani. Kaya naman kahit saan ka magpunta sa Pilipinas ay may rebulto ni Rizal. Oo, kung may plaza, munisipyo, at simbahan, siguradong may Rizal. Ganyan karelevant si Rizal. Oo mga pare dahil simula pagkasilang mo hanggang sa pagkamatay ay nandiyan na si Mang Jose. Dahil sa coin na piso kilala mo na ang mukha ni Rizal. Madilim ba? Sindi ka ng posporo na si Rizal ang nasa cover. May Rizal powder din o kaya yung deodorant. Yung stamp. Kahit yung semento galing kay Rizal na rin. Pumasok ka na ba sa Rizal Elementary School? Buong buhay mo nandiyan na si Rizal. Kahit hanggang kamatayan. Rizal Funeral Homes.





Aware na tayo sa buhay ni Rizal, pinakilala na siya simula pa elementarya. Sa college di ka makakagraduate pag di ka kumuha ng Rizal 101. Ganyan karelevant si Rizal sa buhay natin. Kung may isa mang tao na kilala ng lahat ng Pinoy ay si Rizal na iyon. Kung alam niyo lang, tanging sa Pilipinas lang may pambansang bayani na hindi mandirigma o nanguna sa himagsikan. Si Rizal ang pambansang bayani na lumaban gamit ang pagsulat ng mga libro. Yung Noli Me at El Fili. Kung di mo to alam, di ka Pilipino.

Alam mo ba yung Noli me?
Ahhh oo siyempre naman. Yung reporter. Yung sa magandang gabi bayan dati? Yung naging vice president.

Minsan masarap manapak ng nagpapakabanyaga. Dito sa Pilipinas ay isang superhuman si Rizal. Paniniwala ng lahat na siya ang pinakamagaling na Pinoy na nabuhay. Siya ay isang diyos. Near to perfection kumbaga. Sinasamba pa nga ng iba. Nakakalimutan na ng mga tao na isa din siyang tao. Na may nagawa ring pagkakamali dati, hindi perpekto. Ngunit kahit ano man yun, di maipagkakaila na malaki ang kontribusyon niya sa pagiging malaya ng ating bansa. Gamit ang pansulat at papel ay nagawa niyang ipahayag ang ninais nating kasarinlan. At dahil din dito ay siya rin niyang ikinamatay.


Kung ano man yang reservations niyo at pagdududa kay Rizal, isainyo muna yan. Alam kong huling huli na ako ng isang buwan para sabihin ito pero mabuhay ka Rizal. Relevant ka pa rin sa buhay namin. Dahil kung walang piso, hindi mabubuo ang isang nasyon.

Juan dela Cruz
May-akda

Saturday, January 19, 2013

Bawal Umihi Dito 2





Umiihi ka nanaman dito. Ilang beses ko nang sinabi na Bawal Umihi Dito ahhh. Ayan nga ang laki ng karatula. Pero wala pa rin. Tapos niyan magyoyosi ka pa sa non-smoking area at itatapon mo lang kahit saan ang upos nito kahit may basurahan na diyan na malapit. Pinoy nga talaga. Kulang sa disiplina.
Ito ang rendition ng Bawal Umihi Dito. Dahil nga ang mga part one ay dapat may part two. Pinag-usapan natin dati ang disiplina na kulang na kulang ang mga Pinoy. Kahit red light na ang Traffic Lights at alam naman natin na bawal tumawid niyan ay tatawid pa rin yan. Pag mahuli ng traffic enforcer ay sasabihin na hindi niya alam at first time palang tumawid. Kung masagasaan ehh yung kawawa yung jeepney driver. Sa bawat panahon na may linalabag tayong alituntunin ehhh malaki ang tsansa na may mangyayaring masama. Marami pa tayong nadadamay sa hindi natin pagsunod sa simpleng mga batas at ipinagbabawal.

 

Bakit nga ba mahirap para sa ating mga Pinoy ang sundin ang mga simpleng batas at alituntunin na pinatutupad ng pamahalaan? Kung iisipin mo naman ay hindi naman ito napakahirap sundin at para din naman ito sa ikabubuti ng lahat pero hindi ehh. Dahil sa kakulitan ay number one talaga tayong mga pinoy diyan. Siguro ang sakit na ito ay simula pa nung  grade school pa tayo. Kung sinabi ng teacher na kumuha ng ¼  sheet of paper ehhh one half ang ipinasa. Read the direction first. Kung sinabing underline the right answer, hindi dapat binibilugan. Kung dapat capital letters yung pagkasulat ng answer bakit marami pa rin ang nagkakamali dito. Kung sa library ay dapat di maingay tapos puro kuwentuhan pa rin. Di na rin nakakapagtaka na kahit ngayon ay di makasunod sa mga simpleng direksyon at alituntunin.




Reklamo tayo ng reklamo sa mga nangyayari sa bansa ngunit kahit simpleng pagtapon ng basura sa basurahan na isang metro lang naman ang layo di mo pa magawa. Napakalapit lang ng overpass pero mas pinili mo pa ring magjaywalking. Exit yan pero diyan ka pa rin pumasok. One way street pero sige lang, wala namang nakakakita. No Smoking. No Littering. Wag mag Vandal. Keep Quiet. Fall in Line. Walang Sisingit. Pakibuhos Pagkatapos Gumamit. No Parking. 




Kaya naman di umuunlad ang Pilipinas, kung mga simpleng batas pa lang ay di na masunod paano pa kaya yung  mas seryoso na. Bawal ang Illegal Logging, Illegal Fishing. No Mining, Clean Elections, No to Corruption. Kailan pa kaya ang mga ito nasunod? Walang disiplina at wala tayong patutunguhan. Siguro nawawalan na rin tayo ng pag-asa sa mga lider natin na wala namang magawa at siya pang nangunguna sa kawalang disiplina. Sila sana ang modelo at namumuno ngunit ibang imahe naman ang ipinakikita nila.  Sila na nga ang gumagawa ng mga batas at alituntunin ehhh sila pa ang mas unang lumalabag nito.





Pero kahit ganito ang kalagayan natin, di panaman huli para sa pagbabago. Bago tayo magreklamo sa iba, bakit tingnan muna natin ang sarili natin sa salamin. Ang pagbabago na ating hinahangad ay dapat nagsisimula sa sarili at hindi sa iba. Kahit konting disiplina lang naman, tumawid tayo sa tawiran at ibasura ang mga basura natin sa basurahan. Kahit ano pa man ang sabihin natin ay tayo talaga dapat ang simula. Kung lahat ay sisimulan ang pagbabago sa sarili, eh lahat na magbabago. Ebribadi happy. Ohhhhh ayan, umiihi ka nanaman. Di ba nga at sinabi ko na na BAWAL UMIHI DITO!!!   





PS: Ang mga images dito ay kiniuha ko lang sa google.

Thursday, January 17, 2013

Bayang Magiliw




Bayang Magiliw. Ito ang kadalasan sinasagot ng kabataan at pati na rin ng ilang matatanda kung tinatanong tayo kung ano ang pambansang awit natin. Tapos pagsabihan mo na Lupang Hinirang ang pamagat nito ay mapapatawa na lang kayong dalawa. Normal na lang na mapagkamalan na Bayang Magiliw ang pamagat ng ating pambansang awit. Ito naman kasi ang panimulang linya sa lyrics ng kanta kaya bago paman natin mapigilan ang ating sarili ay automatic na ito ang ating naisasagot. No harm done. Sa katunayan ay nagbibigay pa ito ng katuwaan sa lahat dahil sa “bloopers” na nagawa mo. Ebribadi happy ika nga.

Ngunit kung iisipin nating mabuti ay isa ito sa pinakamalaking lamat ng ating pagka-Pilipino. Wala na sa puso natin ang paggalang sa ating pambansang awit. Kung mapapanood mo sa T.V. at ilang mga videos makikita mo talaga ang pagpapahalaga ng mga tao sa ibang bansa sa kanilang National Anthem. Kung Mexico lang ang pag-uusapan ay maririnig mo talaga na sumasabay sila sa pag-awit. Taas noo at marangal na pinapahiwatig ang pagmamahal sa bayan. Pero dito sa Pilipinas? Wala, wala na ang paggalang sa bandila na simbolo ng ating kalayaang pinaghirapan ng ating mga bayani.

Nanood kami ng sine kasama ng nanay ko at kapatid. Last full show. Maganda na ang pagkakaupo ko nun nang biglang tumunog ang Lupang Hinirang bago magsimula ang palabas. Agad akong napatayo at muntik nang mahuog yung popcorn. Nakakalungkot ang tanawin na yun. Trenta porsyento lang ng nandoon sa sinehan ang nakatayo at iginagalang ang kanta. Yung iba nakaupo lang at walang pakialam, sabay kain ng popcorn. Yung iba tingin ng tingin sa aming nakatayo at tila nangungutya pa. Sarap batukan. Konting galang lang naman ang hinihingi ng bayan di pa maigbigay.

Kung napapadaan kaming magkakaibigan sa isang parke na my flagpole o sa mga opisinang gobyerno ay humihinto talaga kame at nagbibigay  galang pag natiyempo na flag retreat. Tumitigil din naman ang halos lahat pag nangyayari ito pero meron ding makakapal ang mukha o sadyang banyaga lang talaga na walang pakialam. Eh mabuti pa nga yung mga foreigner eh tumitigil din sa ginagawa habang nakikita nila ang pagrespeto ng mga Pinoy sa bandila pero sadyang may wala lang talagang pakialam. Sabagay di ka naman huhulihin pag di mo iginalang ang bandila natin.

Naalala ko pa noong elementarya pa ako at mahigpit na ipinatutupad ang paggalang sa bandila. Bawal kumilos habang nagflaflag retreat. Lalo na pagkinakanta na ang Lupang Hinirang ay dapat straight ang tindig, kanang kamay sa may puso, at kakanta. No unnecessary movements. Pag gumawa ka ng mali, lagot ka kay maam. Pero hinayupak naman o, naiihi ako noon. Sobrang mamatay na ako dahil punong puno na ang pantog ko. Kaya sa parte na “Buhay ang langit sa piling mo” ay naramdaman ko rin ang langit nang maihi ako sa shorts ko. Panandaliang langit dahil ang sumunod ay kantsyaw, pati si Maam natawa noon lang hiya. Pero dahil dun ay ako ang nabigyan ng most obedient student award. Di nagtagal nalaman ko rin na linoloko lang pala ako. Ngunit habang naiisip ko yun ay naalala ko ang dating damdamin na mapagmahal sa bayan na tila nawawala na sa akin. Ano nga ba ang nangyari?

Siguro dahil na rin sa kabulastugan at kawalang halaga na ginagawa ng gobyerno sa loob ng maraming taon ay nawala na rin ang pag-asa na nakikita ng mga Pilipino habang  winawagayway ang ating bandila. Kung noon nakakataba pa ng puso ang pagkanta at pagtindig habang naririnig ang pambansang awit ngayon ay para na lang itong tunog ng lamok na umaaligid sa ating mga tenga. Kahit ako na tumatayo pag naririnig ko ang pambansang awit ay di ko na nararamdaman ang “pride” na nasa akin noon nang kinakanta ko ang pambansang awit. Nawala na habang namulat ako sa katotohanang napakarumi ng politika sa Pilipinas. Ang pag-asang binibigay sa akin noon ay wala na at naglaho.

Ganito na rin ang nararamdaman ng karamihan. Dinadala ng mga politiko at kanilang pamamalakad sa gobyerno ang dangal ng bansa at bandila ngunit dahil sa gingawa nila ay nawawalan na rin ng paggalang sa ating bandila ang karamihang Pinoy. Patuloy na naghihirap ang  mahihirap, walang magawang matino ang gobyerno, puro kurapsyon at nakawan. Sa tingin mo ba ay magkakaroon ka pa ng gana na tumayo tuwing tumutugtug ang pambansang awit. Nawala na ang pag-asa. Nawala na ang bukas. Kanya kanyang kayod na ito.

Sana umabot pa ako sa panahon na taas noo kahit kanino pa ring kakantahin ng lahat ng mga Pinoy ang ating pambansang awit. Yung maririnig mo ang lahat sabay-sabay kumakanta. Mararamdaman mo ang pagiging makabayan ng lahat. Sana hindi pa huli ang lahat para sa mahal kong Pilipinas.



Wednesday, January 16, 2013

Text God

Siguro sasabihin ng iba na makakabasa nito na isa itong blasphemy. Ewan basta ako gusto ko lang i-share ang kuwento ito.

Naalala niyo pa ba noong una kayong magkacellphone? Nangyari ito noong first year highschool pa lang ako. Ang presyo ng Nokia 3310 na siyang pinakasikat na cellphone noon ay halos sobra pa 6000. Oo, ganon pa yun kamahal. Yung cellphone namin ng pamilya namin ay isang Motorola. Isang malaking black na cellphone. Sing taba ng baretang tide taba tapos may antenna pa. Ngunit noon masayang masaya na kame na may cellphone kami. Ilan pa lang noon ang may pribelehiyong magkaroon ng cellphone. Masyado pang nakakaamaze magtext. Para kang batang binigyan ng kendi nang una mong masubukang magsend at makareceive ng msg. Nakakagago.

Card pa noon ang load di tulad ngayon na autoload na lang o e-load. Kailangan noon 300 kaagad ang iloload mo, di tulad ngayon na kahit 10 piso okay na. Wala ring mga promo promo at unlitxt kaya noon talagang tipid ang load. Importante lang ang mga mensahe na i-sesend mo. Kung makagasto ka ng 20 pesos sa kakatext at malaman nito ni ermat, sigurado isang masarap na sermon ang magiging hapunan mo.


May mga pakulo din ang mga network noon, tulad ng ringtones, logos, subscribe ka sa jokes, o magdload ng parang games. Sa panahong ito ay snake pa ang pinakasikat na laro, haos mapudpud ang 2,4,6, at 8 sa keypad mo sa magdamagang paglalaro. Kung may man pinakakwela na pakulo noon ay ang makakatext mo raw ang artistang type mo at gustong gusto. Eh sino ba naman di magpapatansya na makatext ang artistang crush niya o kahit sinong artista yun basta makatext mo lang. Kahit si Bentong pa yun o si Mura ay okayng okay. At dahil nga tanga ang loko, eh sinubukan ko ito. Kung matino na akong tao noon at hindi uto-uto ay dapat alam ko na na hindi yng artista mismo ang nagtetext sayo dahil apat na numero lang ang number na ginagamit tulad ng 8888, 2468, at 0010. Hai naku, pero dahil gustong makatext si Angel Locsin ay sige send tayo. Tuwa naman ang loko ng makakareceive ng msg mula kay “Angel Locsin”. Kahit singko bawas araw araw, okay lang dahil may personal message daw galing kay “Angel” at ang masakit pa, malalaman mo rin sa isang gago na magkatulad pala ang msg na ipinadadala sa inyong dalawa na katext raw si Angel Locsin. Two-timer ka Angel! Pero mahal na mahal pa rin kita. Ang masakit lang nito ay kahit alam mo na linoloko ka lang ay di mo alam kung paano ito mauunsuscribe kaya limang piso araw araw ang nawawala sayo. Ang sarap talagang ma-uto.

Ngunit hindi ito ang the best na pakulo na nangyari sa history ng cellphone at ito ang highlight ng kuwento. It ang “TEXT GOD”. Napakakulet talaga ng pakulong ito. Marami ang hindi naniniwala pero marami pa rin ang nadale at hindi ako kasama doon. Pramis. Yung kaibigan ko lang na hanggang ngayon ay tinatawanan ko pa rin. Nagsesend naman siya ng biblical quotes kapalit ang limang piso. Ayus naman di ba?

Kung iisipin mo, kakaiba talaga itong “TEXT GOD”. Kung totoo man iyon ay nakakaloko talaga. Itext mo si God ng “Kung ikaw nga si God ay sabihin mo kung ano ang iniisip ko.” Magrereply naman sayo na, “iniisip mo kung ako nga si God o hindi.” See, ikaw pa rin madadali. Ang mahirap pa nito ay nagsend to many ka ng green joke at napasali ang contact number ni God. Have mercy on your soul.

Isipin mo pare ha, baka may cellphone na rin sa langit. Ayus di ba? Si San Pedro busy magtext kaya kahit sa impyerno ka sana ay nakakalusot ka na lang gate, bigyan mo lang siya ng panload. Wala lang talaga mga pare. Sino ba talaga itong nakaisip ng Text God. Amen. 

PS: Siguraduhin mo rin na si God nga tinitext mo.




Monday, January 14, 2013

Inuman Sessions


Nag-iinuman nanaman kaming magbarkada. Puno ng tawanan, kwela, at kantsyawan. Kanya kanyang hirit ng kuwento. Kanya kanyang pasikat kung kaninong kuwento ang pinakamasaya. Malalakas ang boses. Sige lang ang tagay. Minsan lang magkita ang mga tropa. Panahon ito para magsaya.




Saan kaman magpunta sa buong mundo, isang kultura ang siguradong meron ang lugar na kinaroroonan mo at yun ang inuman. Oo, kahit saan di mawawala ang beer, gin, at kahit anong klaseng alak. Kung wala kang mapuntahan ay pumunta ka lang sa mga inuman at doon mahahanap mo ang “atmosphere” na hinahahanap mo.






Sa ating mga Pinoy, parte na ng buhay natin ang inuman. Ito ang takbuhan nating kung may problema tayo, o sadyang nabubuwiset lang sa mundo. Kung may kasiyahan tulad ng birthday at ano pa. Kung nagsasama sama ang barkada. O kung wala lang talagang magawa. Kasabay ng pagbuhos ng alak ang isang gabi na puno ng katatawanan at kalokohan. Minsan ito rin ay nagdudulot ng iyakan. Kulturang Pinoy na talaga ang inuman, isang paraan ng pagsasamahan at pagkakaroon ng bagong mga kaibigan. Kung mayroon mang nagsasabing ipagbawal ang pag-inum ng alak, sigurado maraming papatay sayo.


Kahit temporary lang, ang inuman ay nagpapalimot sa mga problema at panahon para makapagsaya ka. Minsan kailangan mo rin ito kasama ang mga kaibigan mo. Umiinom tayo para sa kasiyahan. Para sa lungkot. Para sa nabigong puso. Dahil nag-away ng kasintahan, misis, o kahit ano pa ang tawag mo sa partner mo. Dahil sinagot ka na ng liniligawan mo. Para sa kaibigan nating pumasa sa exam. Para sa pagbagsak sa exam. Dahil pare-pareho kayong bumagsak ng tropa mo at ungas kayo. Dahil may ipapasa pa kayong paper o thesis bukas at wala ka pang idea. Dahil may exam bukas, enhancer. Para sa interview mo sa trabaho. Dahil natanggap ka sa trabaho. Dahil natanggal ka din kinbukasan, nalate ka sa kalasingan.  Para sa barkada. Para sa tropa. Para sa pinagsamahan. Kung sasabihin nilang walang maganda na naidudulot ang pag-inum. Bakit di mo alalahanin ang mga nangyari sa panahon na uminom ka. Ang saya di ba, mga alaalang mapapangiti ka sa mga panahon na malungkot ka.

Alas 3 na pala ng umaga. Eto at seryoso na ang usapan. Tulog na si Dani. Yung isang iihi lang isang oras ng hindi bumabalik. Nasa akin na ang tagay at parang susuka na yata ako. Mabuhay ang inuman. Tagay Pare!


Thursday, January 10, 2013

Makikitulog Lang


Wala na akong ideya kung ano na ang kalagayan sa bahay namin. Kung may nagbago na hitsura nito o doon pa ba kami nakatira. Ilang linggo na akong di umuuwi, nakasanayan na sa ibang bahay natutulog. Hindi na ako umuuwi sa amin, hindi rin naman ako hinahanap. Ayoko rin naman doon. 

Mabuti na lang at marami akong naging kaibigan noong dalawang taon ko sa kolehiyo. Mga “generous” na mga kaibigan na handa akong patulugin at patirahin sa bahay nila kahit ilang araw.  Libre pa ang pagkain at isa nga ay tinuturing na akong pamilya ng mga magulang niya. Nakakahiya na nga na palagi akong nandoon pero sila rin ang bumubuhay sa akin kasama ang ilang kong kaibigan. Sa loob ng isang linggo, limang araw diyan ay lasing akong nagigising, yung dalawang araw ay sabok sa kayoyosi o marijuana. Yan na ang buhay ko. Walang direksyon at patutunguhan.


Noon ay hinahanap pa ako pag di umuuwi ngunit nasanay na rin sila at pinabayan na lang ako. Kahit isang buwan pa ako mawala ay di na nila ako hinahanap. Pagkakauwi ko ay kinabukasan aalis nanaman ako habang pinagagalitan ng nanay ko dahil umuuwi lang ako para mag-iwan ng labahan. Ayoko naman sa bahay natutulog, may kahati na nga ako sa kama, naitutulak pa ako sa kalagitnaan ng gabi. Mabuti na lang sa bahay ng ga kaibigan ko, komportable at ayos ang pagkatulog matapos ang isang masayang inuman. Ako ang taong palaging present sa inuman, yan ang naisusukli ko sa mga kaibigang bumubuhay at lumilibre sa akin. Masaya at makulet naman kasi akong kasama.

Dati masarap kong umuwi sa bahay. Noong may kaya pa ang pamilya. Pangatlo ako sa amin at nag-aaral din ako noon. Dating opisyal si Erpat ng isang konggresista at dahil matalik silang magkaibigan ay maganda ang pamumuhay namin. Kayang mapagsabaysabay kaming papag-arali kahit si Erpat lang tratrabaho. Maganda ang kita noon at sa isang subdibisyon pa kame tumitira. Ngunit ng sa ikalawang taon ko na ay biglang bumagsak ang pamumuno ng kongresista at kasabay doon ang pagbagsak ng pamumuhay namin.  Napatunayan kasi na nangungurakot ito kaya tinanggal sa puesto at nakulong. Mapapasama na nga si Erpat noon pero napatunayan naman na wala siyang kinalaman sa mga ninakaw na pera ng bayan. Kaya lang yun, nawalan ng trabaho si Tatay.

Dahil graduating na si Ate noon at si Kuya naman ay third year na ay ipinagpasyang ako muna ang titigl para makagradwyet yung dalawa. Naintindihan ko naman yun, ayos lang. Tumulong na lang ako sa bahay. Gradwyet na si Ate ngunit kaagad nag-asawa kay di nakatulong sa problemang financial sa bahay. Si Kuya ngayon ay di pinalad at ikapitong taon na niya sa Engineering na course. Tinanong ko sa mga magulang ko kung kailan ako babalik sa pag-aaral, dalawang taon na ako noon na hindi nag-aaral at si Kuya ay 5th year. Puwede naman na bumalik na ako dahil gradwyet na si Ate. Sabi nila noon na susunod na year. Handa na sana akong bumalik ngunit di natupad ang pangako nila, di nakagradwyet si kuya, kulang sa budget. Hintay daw muna ako.

Nasaktan ako sa nangyari. At doon na ako nagsimulang maglakwatsa. Pinagagalitan nila ako pag-uuwi ko ng madaling araw o alas dos ng umaga. Wala daw akong patutunguhan, eh sino ba ang may dahilan? Ipinagpatuloy ko ang ganitong buhay hanggang sa hindi na ako umuuwi at sa ibang bahay na natutulog. Mas mabuti doon, hindi maingay at komprotable ang sofa. Hindi ko naman ipagsisiksikan ang aking sarili kung ayaw niyo sa akin. Sa pamilyang wala namang pakiaalam sa akin.

Ngayon ay ang bunso na namin ang nag-aaral sa kolehiyo. Talagang noong una pa lang ay wala na silang plano na papag-aralin ako. Nandun si kuya walang trabaho at nakakapit sa remote. Ayoko sa bahay. Di ako dun makatulog.

Pauwi na ako sa amin, sigurado pagpasok ni hindi ako titingnan ni erpat. Malamang walang paki-alam si kuya. Yung bunso namin, kaaway ako dahil palaging mausok ang kwarto namin pag nandoon ako. Kung di lang sa bunganga ni Nanay na ako palagi napapansin ay siguro para akong multo sa sarili naming bahay. Ayokong umuwi, malapit na ako sana sa amin, ng bigla kong pinara ang tricyce. Doon na lang ako sa bahay nila Bok. Doon na lang ako makikitulog.

Thursday, January 3, 2013

Manga: Kuwento ng Pusong Napagod


Ang kuwentong ito ay tungkol sa natauhang puso. Isang pagmamahal na napagod.

Kilala ko na sila noong una pa. Kaklase at naging kaibigan. Nagsimula sa kuwentuhan hanggang naging isang matatalik na magkakaibigan. Nandoon ako sa simula hanggang matapos ang kuwento. Nasubaybayan ko ang isang pag-ibig na nakatago at unti unting lumabas. Isang pagmamahalan na okay na sana.

(Note: The names used in this story are aliases. If the names resemble someone you know, it is purely coincidental.)

Hindi naman talaga sila naakit sa isa’t isa. Hindi nga sila nag-iimikan sa klase. Purely classmates lang ang relasyon nila pero dahil sa mga kalupitan noong highschool ay ginawa silang magkapares. Kung siya talaga ang gusto mo. swerte ka, kung hindi ay humanda ka na lang sa walang katapusang kantsyaw sayo hanggang sa iyong libingan. At sa lagay nila ay hindi naman nila gusto ang isa’t isa. Iba pa noon ang gusto ni Maya (the guy) at isang intsik naman ang gusto ni Alea.  Sadyang magkaiba ang mundo nila noon na hindi mo maiisip kung paano nila natagpuan ang isa’t isa. Palagi silang kinkantsyaw ng barkada hanggang sinakayan nalang nila ito at naging katuwaan na lang. Ang hindi namin alam na  ang simpleng pagsakay nila ay may namumuo nang misteryong pag-uunawaan.

May naka-set sanang lakad noon ang barkada, nagkataon na malakas ang ulan at kailangang i-cancel ito sa huling minuto. Nagkataon na nandoon na pala si Alea at papunta na rin si Maya. Doon na rin nila nalaman na nacancel pala ang lakad. Malakas noon ang ulan, wala nang masakayan at dahil doon ay sila ay nakapag-usap. Marami naman pala silang similarities, mga bagay na magkapareho ang gusto, at di nila namalayan ay matagal na pala silang nag-uusap. Nahook sila sa isang topic na sikat ngayon sa marami. Oo, nakakaadik din yun pero dahil dalawa naman silang nagsusubaybay ay natural lang na ito ang kanilang pag-usapan. At ito ang manga.

Manga nga, kung di mo alam kung ano yung manga na kinagigiliwan ng mga kabataan at matatanda ngayon na mahihilig sa anime na nanood na ng Dragon Ball Z, Naruto, Ghost Fighter, Hunter X, One Piece, at marami pang iba, ito ay bunga na galing sa puno ng mangga. Tama yun kaibigan, may yelo at green at hook na hook ang dalawang yun dito. Tuwing nag-uusap sila ay palaging may dalang manga si maya para nila namnamin. (Take note, nagkikita na sila na hindi pinapaalam sa amin, patunay na lumalalim na ang kuwento. Inamin ni Maya sa akin na “he finds comfort being with her.” Naks, ang sagwa.) Sumasabay ang asim at tamis ng manga sa kanilang nabubuong pagkakaintindihan. Kaya lang tulad ng maraming pag-ibig ay malabo. Gusto na siya ni Alea ngunit ayaw niya na siya ang unang magsabi. Nararamdaman na rin yun ni Maya ngunit natotorpe siya at hindi sigurado. Takot din ang dalawang masaktan kaya walang gumagalaw. Yung tipong andyan na, solid na solid na. Nagkakaintindihan na kayo. Pareho kayo ng gusto. Yung alam mo na talagang gusto mo siya. Ngunit pag sabihin mo yung aylabyu. . . boom, biglang guguho ang lahat. Kaya naging maging magkaibigan na lang sila, hanggang dumating ang isang gabi.

Tulad ng kanilang unang pag-uusap na sila lang ay maulan din sa araw na iyon. Sadyang malakas ang hangin. Susunduin sana ni Maya si Alea sa kanila ngunit malakas ang ulan. Sila lang sa bahay. Walang ibang tao. Unti unting tumutulo ang maliliit na butil ng pawis habang pinapanood ni Maya ang orasan. What’s gonna happen?  Ohhhh the things they have done. Things that friends never do. Di na napansin na mag-uumaga na pala, basta alam lang niya ay hindi sila natulog.

Awkward moment ang umaga. Nang papaalis na siya ay narinig niya ang pahabol na sabi ni Alea na, “Its was nice meeting you.” He thought na hindi na sila mag-uusap pa ulit at ibabaon na lang sa limot ang lahat ng nangyari, pero hindi nagkita pa rin sila at naulet ang lahat. Dalawa silang lito na at naglakas na rin ng loob si Alea na tanungin siya kung ano talaga sila. They talked and they decided mahal nila ang isa’t isa. They were happy habang kinakain ang manga sa ilalim ng puno.

Ngunit sa kabila ng kanilang kasiyahan di nila maitatago ang katotohanan. Isang masakit na katotohanan na kanilang iniiwasang harapin. Na si Maya ay isang third party lang. Hindi siya original. Habang tumatagal ay lumilitaw rin ang mga conflicts at madalas na silang nag-aaway. Umiiwas na rin si Maya. Mahirap talaga ang sitwasyon nila na lalo na sa isang pagkakaibigang sa bawal na pag-ibig nagsimula ang lahat. Mahirap talaga na isang third-party si Maya. Isang third-party sector si Maya. Isang bakla.

Tanggap naman ni Alea lahat yun, mahal niya si Maya kahit ganun ang kanilang sitwasyon. Ngunit si Maya na rin ang umiiwas at nagdesisyong makipaghiwalay dahil tuluyan lang masasaktan si Alea. Kahit bakla siya at lalaki ang gusto niya ay mahal na mahal niya si Alea, masasaktan lamang niya ito. Itatago niya na lang ang mga alaala sa gabing umulan. 

Hindi nakayanan ni Alea ang sakit, suminghot siya ng maraming rugby hanggang malasing sa amats. Tinawagan niya si Maya, mahal niya daw ito, maghihintay siya araw araw sa ilalim ng puno ng manga nilang tagpuan habang buhay. Ngunit alam naman natin na ang puso napapagod din. Nalulungkot, nawawalan ng pag-asa. Gaya ng sabi ko sa simula, ito ay kuwento ng natuhang puso. Pagmamahal na napagod.

(Note: Bago ka magpatuloy sa sunod na paragraph ay i-play mo muna yung video para sa background music.)





Lumipas ang ilang buwan di na nakayanan ni Maya ang pagkain ng manga na nag-iisa lang. Hinanap niya ang pagkakaroon ng kasama. Ang kanyang masasayang panahon kasama ni Alea. Narealize niya na kahit bakla siya ay may espada pa rin siya na siyang magbibigay ng tunay na kaligayahan kay Alea. Dali dali siyang tumayo, sinukob ang malakas na ulan. Alam niyang nandun lang siya, naghihintay gaya ng sinabi niya. Madali niyang tinahak ang daan sa puno ng manggang tagpuan. Sasabihin niya na mahal na mahal niya si Alea. At kahit bakla siya ay gagawin niya ang lahat para sa kanya kahit ipagupit na niya ang kanyang pawoweeng buhok tanggapin siya ulet. Araw araw silang mag-uusap tungkol sa manga. Ipapangako niya yon. Ngunit pag-abot niya dun, wala na siya. Pusong napagod, pusong nauhaw sa pag-ibig. Pusong sumuko.

Makalipas ang ilang taon ay nagkita sila ulet nang magkasama-sama ang magbabarkada. Nagkumustahan lang sila. Ayos naman ang kanilang pag-uusap. Parang linimot na nila ang kanilang nakaraan. May bagong boyfriend na si Alea at masaya na siya sa piling nito. Natagpuan na rin ni Maya ang kanyang pag-ibig sa katauhan ahhhhh itago na lang natin sa pangalang Birhel. Masaya na sila. Masaya na rin ako para sa kanila. Ngunit ng matapos ang salo salo ay kinausap ako ni Maya. Nakipag-inuman sa akin, inamin ang lahat. At mahal pa rin niya si Alea, ang tanging babae na minahal niya.

Nagtagpo sila malipas ang ilang araw. Kumain ng manga at nagkuwentuhan hanggang sa napunta sa mga ibinaong alaala. Okay naman ang usapan, malungkot ngunit tinanggap na nila na hindi sila para sa isa’t isa.

Alea: Siguro sa alternate universe, yung Maya at Alea dun, naging okay ang lahat? =)
Maya: Oo baka nga. Doon di tayo naghiwalay at baka lalaking lalaki ako. Hahahahaha
Alea: Hahahahaha, oo, doon natupad ang mga pangarap nating magtanim ng mga punong manga.
Maya: Oo nga, okay nga doon, ikaw sana ang kapiling ko.


PS: Hapy New Year to all. Sana magustuhan niyo ang kuwento, mejo minodify ko lang ng konti. Hindi yan ang pangalan ng mga kaibigan ko. The song is by kamikazee, halik. Enjoy reading. Hapy new year!!!!

    

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...