Hinahanap Hanap Kita (in english "Search Box")

Blag!!!!!

Ang blog na ito ay para sa kabataan, sa mga mahilig magbasa, gustong magpalipas oras, para din sa inaantok o sa gustong matulog, gustong mabadtrip at mabuwset ang araw. Para din sa gustong tumawa (hindi sa galak kundi dahil sa "it's so absurd"), sa mga walang magawa, lalo na yung nasa mga opisina , para din sa magmamaster beat lang, sa mga kababaihan, estudyante, sa mga nabubulag, at lalong lalo na sa iyo na nagbabasa ngayon na alam kong mahal na mahal mo pa rin ang ating inang bayan. =) rakenrol!!!

GOOGLE

Saturday, April 20, 2013

Tikman mo ang Langit




Isang nakakasilaw na liwanag ang nakita niya ng magising siya. Puro puti ang paligid. Di niya alam kong saan siya pupunta. Mejo kinakabahan na siya at nagpapanic ng marinig niya may tumawag sa kanya.

“Hoy, dito.”

Lumapit siya sa lalaking nakaputi at tila may bilog na lumilipad sa ibabaw niya. Nasa isa siyang desk at sa likod nito ay isang napalaking gate na hindi niya makita ang dulo sa itaas.

Lalaki: Pangalan.

#@#: Teka po, sino ka’yo?

Lalaki: Pambihira naman, ibinalik lang sa akin ang tanong. Ako ang receptionist dito. Oh, pangalan?

: Ha? Receptionist? Para saan? Nasaan ba ako?

: Hay, ito ang mahirap dito. Ang daming tanong bago masagot ang itinatanong mo mismo. Nasa gate ka ng langit at ako ang nagsusuri kung saan ka dapat mapunta.

: Ha? Patay na ako? Am****! Paanong . . . . ?

:Huwag mo ng alalahanin. Di mo talaga maalala yan. Katulad yan ng pagtulog. Di mo maalala kung ano ba talaga ang hulingang ginawa mo bago tuluyang mawala ang iyong malay.

: Ikaw ba si San Pedro?

: Hindi. Isa lang akong receptionist dito. Wala si San Pedro. OJT ako ngayon kaya ako naatasan magbantay muna dito.

:Teka, isa kang demonyo ano?! ?Nabasa ko ito sa isang maiitim na libro ng nasa lupa pa ako. Mag-ingat daw ako sa mga magpapanggap. Akala mo sila ang mga receptionist sa langit yun pala demonyo na idinidiritso sa impyerno. Si San Pedro dapat ang nandito!

: Ayos ka ahhh. Nagresearch ka bago pumunta dito. Pero mali ka. Wala na ang mga mangagancho dito. Matagal na silang pinaalis dito. Nilinis na para maging maayos ang lugar na ito. Kung ipagpipilitan mong malaman kung nasaan si San Pedro ay nandoon siya ngayon sa impyerno, sa may sabungan. DERBY ngayon dahil sabado at malaki ang pustahan.

: Ano?! Si San Pedro nasa sabungan? Paanong?

: Lahat kayo pareho pareho ang reaksyon tungkol dito. Di niyo man lang naiisip kung bakit palaging may dala dalang manok si Mang Peds? Ano ang gamit ng manok? Alarm clock? Ang labo niyo ring mga tao no? Nandoon siya kasama si Marcos.

: Marcos? Ferdinand Marcos?

: Oo.

: Ha? Bakit magkasama si Marcos at San Pedro?

: Magkaibigan sila. Si Marcos ang parang manager dito. Inayos niya ang lugar na ito. Dati nagkalat ang mga demonyo dito. Nanloloko ng mga kaluluwang kagaya mo. Akala nila ay patungong langit yung elevator. Yun pala ay diritsu na sa Walang Hanggan. Di rin organisado dati dito at maraming kaluluwa ang nagkakalat. Di maiintindi dahil sa mabagal na sistema. Nagkalat din ang mga nagbebenta ng DVD at kung ano-ano pa kaya masyadong magulo. Nagvolunteer si Marcos na manager. Inayos niya ang sistema. Napaalis ang mga sagabal at naging mas epektibo ang pamamahala.

:Ayus ahhh. P****! Kahit dito lider na lider pa rin si Marcos. :D

: Oo, maganda nga ang nagawa niya. Diritso na sana siya sa Walang Hanggan dati ng mapunta dito kaluluwa niya pero nakita ni Mang Peds ang kanyang talento kaya pinadito muna siya. Swerte nga ang taong yun. Pero maganda naman at dumito muna siya at binago  ang nabubulok na sistema.

: Teka purgatoryo ba to?

: Tawagin mo itong purgatoryo kung yan man ang nais mong itawag dito. Basta ngayon nandito ka sa gitna ng Gate sa Langit at Elevator. Pero para mas maganda, Boracay ang tawag namin sa lugar na ito para mas kewl at chill lang, Ayus di ba? Hahahahahaha. (Tumunog yung telepono) Teka may tumatawag.

 Hello. . . Oh, Rico. .  . Teka icheck ko lang sa kompyuter. . . . . Sorry di ka pa makakaayat. . . . Oo nga pero di mo pa rin kasi nakukuha ang requirements. . . . . .  Sige na, ayusin mo na lang, tingnan natin next week baka puwede na. (Click)

: Sino yon?

: Si Rico Yan.

: Rico Yan. . . . Teka di ba matagal na siyang patay? Anong gingawa niya dito sa Boracay? Di pa siya nakakaakyat sa langit?

: Oo. Di pa niya kasi nalalampasan ang isang requirement?

:  Anong requirement? May requirement para makaakyat sa langit? Akala ko ba kailangan magpakabait ka lang sa lupa ayos na?

: Ang dami mong tanong. Imbis na bombahin mo ako ng maraming tanong sana binasa mo muna yang pamphlet na nasa kamay mo na kanina mo pa hawak. Nandiyan lahat sa na sagot sa tanong mo. Hirap sa inyong mga tao, ang daming tanong kaagad, di muna tumitingin sa paligid at baka hawak na niya ang kasagutan.

: (Nakita niya ang Pamphlet na may pamagat na “Its More Fun in Heaven”.) Ayy sori. Hehehehe.

: Di pa makaakyat si Rico sa langit dahil kung titingnan mo sa Page 2 hindi puwede ang gwapo sa langit o  yung magiging kaakit-akit sa paningin ng iba. Dahil nga masyado siyang gwapo ay di ito makapasok. Marami ang maakit sa kanya sa langit at baka mainlab pa ang mga babaeng anghel sa kanya.

: Bakit di puwede yung gwapo sa langit? Kasalanan bang maging kaakit akit?

: Technically hindi naman, pero dahil bawal sa langit ang libog ay nagiging kasalanan ito. Alalahanin mo isa sa mga deadly sins ang LUST. Dahil nga gwapo o maganda ka, nagkakaroon ng pagnanasa sayo ang ibang naninirahan sa langit. Kung pagnanasahan ka ng lahat ay magkakaroon ng problema.

Siyempre dahil gwapo ka, naiinggit naman ang ilan sayo. Nabubuo ang ENVY. At di magtatagal ay lalabas din ang ANGER¸ pagkagalit ng mga naiinggit sa’yo dahil gwapo ka.

 Kaya para mapigilan ang ito, kailangan puksain muna ang “LUST” sa pamamagitan ng pagpapatupad na bawal ang kaakit akit sa langit. Hitting three birds with one stone.

: Ohhhh ayus ahhh. Makes sense.

: At isa pa, di tinatanggap sa langit ang di mataba. Dapat mataba ka talaga. Di puede yung simpleng chubby lang, Dapat super fat ka. As in mataba. Yung overweight na tipo.

: Ha? At bakit naman?

: Dahil gaya ng sabi ko pinipigilan natin ang pagnanasa sa langit. Kung walang maganda ang katawan ay siyempre mawawala din ang pagkalibog.  Walang LUST.

: Hmmmm. Magkakaproblema yata ako dito.  Di ako masyadong mataba. Matanong lang kita receptionist, paano ba nagpapapangit?

: @__@ Pare, kung ang iyong pisikal na mukha ang babasehan ay wala ka ng problema at kaagad ka ng makakapasok sa langit.

: Teka, anong ibig mong sabihin? Pu**** *** Sinasabi mo bang pa . . .

: At kung sa pagpapataba, huwag kang mag-alala. Imumungkahi kita sa Jollibee para magpataba.

: May Jollibee dito?

: Bakit? Ayaw mo sa jollibee? May mcdo din dito at kung anong major fastfood chains. Ikaw na lang ang pumili. Paid by Langit. Unlimited food yun.

: Okay sige. Hirap naman magpapataba pa.

: Okay lang yan. Mas swerte ka nga. Mas mahirap magpapanget. Pero may mga exceptions din na di na kailangan magpapanget o magpataba. Tulad ni FPJ.

: Anak nang ****** Bakit exempted si FPJ?

: Dahil wiling wili si Dakilang Ama sa kanyang mga Palabas. Sa katunayan nga ay gumagawa pa rin si FPJ ng mga palabas ngayon. Ang title ngayon ng palabas niya ay “PANDAY: Ang Pagbabalik ng Pagbabalik na Nagbalik at Bumabalik Pabalik sa Papabalik”.

: Walang ****. Asenso ang Pinoy dito ahhh. Teka pag magpataba ako di ba GLUTTONY yun? Tapos siyempre para tumaba bawal ang kumilos maxado. Di mahihiga ako buong araw, di ba SLOTH yun?

: Okay lang, nasa Boracay ka pa naman, sa langit lang di puede ang gluttony at sloth. Dito ayus lang, requirement kasi eh.

: Eh yung dalawa? GREED at PRIDE?

: Walang pera sa langit. Di kailangan yun. Yung dalawang yun ay madalas dala dala ng mga Politician at Malalaking Businessman. Kaya madalas sa kanila ay dumidiritso sa Walang Hanggan.

: Ganon pala. Hanep talaga dito.  

:  Ngayon na nauubusan ka na ng tanong ay maari ko na bang malaman ang pangalan mo?

: Okay sige na nga. Dyig.

: Full name.

: Bakit kailangan full name? At teka nga, kung totoong ito yung gate papunta langit eh di ba alam niyo lahat pangalan namin sa mundo? Bakit tinatanong niyo pa pangalan namin?

: Puro tanong nanaman tayo ahhh. Una, di namin alam lahat pangalan niyo. Ang nagbibigay buhay sa inyo ay si Dakilang Ama ngunit ang nagbibigay ng pangalan niyo ay iyong mga magulang kaya di namin alam pangalan niyong lahat. Pangalawa, sa dami niyong tao sa mundo eh di namin kayo kayang bantayan lahat. Pangatlo may sistema kaming ginagamit para mamanmanan ang pinagagagawa mo sa mundo kaya huwag ka ng makulet dyan at ibigay mo na pangalan mo.

: Dyig Garsiya.

: Yun naman pala eh. D-Y-I-G G-A-R-S-I-Y-A. (Enter ang pangalan sa kompyuter)

: Anong ginagawa mo?

: Search ko pangalan mo sa facebook.

: Facebook? Bakit facebook? Teka may internet sa langit?

: Oo may internet sa langit. Wi-fi dito pero medyo mabagal minsan. Alam kong tatanungin mo kung saan galing ang internet. Sa impyerno, bakit? Dahil doon may hotspot. Mas okay din dun dahil puwedeng magdownload sa torrent di tulad sa langit. Bawal kasi ang piracy at porn sites dito di tulad sa Impyerno. Pupunta nga ako dun mamaya para mag download ng “It Takes a Man and a Woman.”

Sa isa mo pang tanong, facebook ang ginagamit namin para masubaybayan kayo sa lupa. Di lang facebook kundi lahat din ng social networking sites.  Halos lahat na kasi ng tao lalo na ang mga pinoy ay may ganito, lalo na ang facebook. Dahil ito naman ang pinakasikat kaya ito ang una naming chenecheck. Halos lahat kasi ng ginagawa niyo araw araw pinopost niyo dito kaya mas madali namin kayong nasusubaybayan.

Kung wala kayong social networking site eh yung email niyo. Oo magaling maghack ang aming mga technicians. Kasali na rin namin sa team si Steve Jobs. Kung walang email, tumatawag na lang kame sa impyerno. Mas magaling ang surveillance team nila eh. Oh ito na pala profile mo. Ilang taon ka na ba?

: Ha? Eh di ba nasa profile ko na bakit mo itinatanong?

: Dahil hindi naman talaga minsan yung edad mo inilalagay mo dito di ba? Yung iba nagpapanggap na 19 kahit 22 na. Looks can be deceiving eh kaya bigay mo na edad mo.

: 23.

: Oh sige hintayin muna habang sinusuri yung files mo.

: Ahhh pare sino ba yung maingay na yun na di ko maintindihan pinagsasabi at parang hinuhuli ng mga anghel?

: Sino? Yung lalaki? Griyego yun. Nagkamali ang LBC sa pagpapadala ng kanyang kaluluwa. Di dapat dito yun napunta. Hinuhuli para irepackage ulet.

:LBC?! Yung LBC sa lupa?

: Hari ng Padala. Yun na yun. Sila ang nagpapadala ng mga kaluluwa dito. Minsan nagkakamali sila. Yung Griyego dapat kasi papuntang Olympus yun. Di naman namin trabaho ang pagsuri sa kanila. Last week nga nagkamali din sila. Isang  Indian eh di naman ito yung Nirvana.

: Ha? Ano ito? Akala ko ba iisa lang ang diyos? Bakit ang dami naman nila ngayon? Hindi ba iisa ang panginoon?

: Nasa iyong paniniwala na iyan kapatid. Hindi ako ang tamang tao para tanungin mo diyan. Ang masasabi ko lang nalikha kame dahil sa iyong paniniwala. Napunta ka dito dahil naniniwala kang may impyerno at langit. Naniniwala ka sa diyos. Yung iba na sinasamba ang araw ay napupunta kung saan man sila dinadala ng kanilang paniniwala. Ang mahalaga ay kung ano epekto nito sa iyong pagkatao. Kung ang iyong paniniwala ay gingawa kang mabuting tao.

Mas madali nga noong una dahil naniniwala mga tao na pagkamatay nila ay mapupunta na lang sila sa kawalanan. Nothingness. Black. Period. Wala na sana kaming trabaho. Pero dahil naniwala kayo sa amin kaya nandito kame. Ang paniniwala ang isa sa pinaka-importanteng kakayanan ng tao. Dahil dito nagkakaroon ng pag-asa ang tao. Kung wala ito, siguro matagal ng nagunaw ang mundo.

: Ang lalim naman nun. Hindi pa ba tapos?

: Pasensya na, Pentium lang kasi processor ng computer na ito eh. Nasira at pinaayos ko pa yung computer na dapat ginagamit ko.

: Teka mga kupido ba yang dumadaan?

: Oo, papunta sa lupa para mantuhug ng mga puso.

: Pu**** *** naman ohh, totoo pa la ang kupido. Hanep ahhh. Sandali nga, kanina ko pa napapansin, minsan di ako makapagsalita ng maayos at parang “*****” ganito yung lumalabas sa bibig ko.

: Nasa pintuan ka na ng langit tange. Bawal magmura dito. Nangyayari yan pagnagsasalita ka ng mga bawal na wikain. Siyempre di naman namin mapipigilan yan dahil out of excitement naman yan kaya nangyayari ay naautomatic “censor” na lang ito. Parang MTRCB.

: Galing. Hanep. P***!!!

: Kasasabi ko pa lang na bawal magmu. . . .

: Matanong nga kita? Epektibo ba ang pagtutuhug ng mga puso ng mga kupido?

: Aba at bakit biglang naging interesado ka sa pag-ibig? May napupusuan ka ba? Huli ka na pare, patay ka na! Hahahahaha.

: P*** ka naman pare, nagtatanong lang naman.

: Sorry, nadala lang ako. Oo naman, epektibo yun. Sila ang responsable sa lahat ng magkarelasyon sa lupa. Sila ang dahilan kung bakit nagkaka-ibigan ang bawat isa.

: Kung ganun bakit marami ang nagkakahiwalay? Kung epektibo nga ito at napapalapit ang dalawang puso, bakit maraming nasasaktan? Nag-aaway at naghihiwalay? Maraming wasak na puso?

: Ang trabaho ng kupido ay paglapitin ang dalawang puso. Pag may nakikita sila na may naakit sa bawat isa ay tinutuhug nila ito para maging konektado. Parang may kadena na nagdudugtong sa kanilang puso. Pero hanggang doon lang yun, nasa tao na kung mamamahalin nila ng mabuti ang isa’t isa. Di kame nakikiaalam sa mga desisyon niyo. Binigyan namin kayo ng pagpapasya. Kagaya din yan sa pag-ibig. Ang sa amin lang ay pagtagpuin kayo at pag-isahin. Nasa sa inyo na lang yan kung papanatiliin niyo ang bawat isa habang-buhay. Nasa inyo kung pananatilihin niyo ang kadena o puputulin niyo dahil kinakalawang na ang inyong pagsasama. Kung mahal niyo nga ang isa’t isa, di ba napag-uusapan ang away? Di ba mapipigilan ang paghihiwalay.

: . . . . . . .

: Nasa inyo lang yan. Oh yan malapit na tayong matapos. May tanong ka pa ba?

: Wala na.

: Ohhh ito tapos  na. Handa ka na bang marinig kung saan ka pupunta?

: Teka po. Teka. May aaminin po ako.

: At ano iyon?

: Bakla po ako. Di nga lang halata pero bakla po ako. May crush ako sa kaibigan kong si Tope. Tinatanggap ba sa langit ang katulad ko? Ayon sa simbahan hindi. Natatakot ako sa resulta. Kaya sabihin mo na lang kung tinatanggap ba sa langit ang pagiging bakla.

: Tinanong ba kita kung ano ang iyong kasarian kanina? Hindi di ba?  Tinanong ba kita kung babae, lalaki, bakla, o lesbian ka? Hindi importante sa langit kung ano ka. Babae, lalake, bakla, parepareho lang yun. Pantay tayo sa paningin ng Diyos. Ang importante ay ang iyong pagkatao. Kung paano ka nabuhay lupa. Ang pagiging kakaiba ay hindi kasalanan basta wala ka lang tinatapakang ibang tao. Hindi mahalaga kung ano ka kundi kung sino ka. Ang mahalaga ang kung ano ang laman ng puso mo.

: Maraming salamat. Handa na akong marinig kung saan mo man ako patunguhin.

: Okay, ang sabi dito ay di mo naman pala oras para mamatay. Marami ka pa palang magagawa sa lupa. Pinababalik ka lang sa lupa. Siya nga pala, ang lahat ay nangyari ng isang segundo lamang kaya pagbalik mo sa lupa, kahit parang isang araw na tayong nag-uusap, doon walang nangyari. At kung ako sa'yo itigil mo na ang pinaggagawa mo ngayon sa lupa. Chow!

Nagising siya sa kanyang kwarto na nakahiga. Katabi niya ang isang Men’s Magazine at nakahawak ang kanyang kamay sa may ilalim na medyo basa na ngayon. 

Sa isang segundo nga ay natikman niya ang langit.

Wednesday, April 17, 2013

Identity Crisis


Napunta ka na ba sa sitwasyon na nakasakay ka sa jeep at may nakasabay ka na sa tingin mo kilala mo ngunit di ka sigurado at dahil nahihiya ka na baka di siya yung kilala mo, forever na kayong nag-i”snob”an nalang at walang kibuan. Tapos some days later maririnig mo na lang ang chismis na isa kang snob at feelingero dahil di ka namamansin?

Madalas mapunta tayo sa sitwasyon na ganito.  Yung may nakakatagpo ka sa kalye tapos ng tinitigan mo masasabi mo sa sarili na, “Kilala ko to ahhh”. Ngunit dahil di ito ngumingiti sayo ay nagdadalwang isip ka, hinahanap mo ang kahit anong recognition sa kanya na magkakilala kayo, pawis na pawis ka at kinakabahan dahil di ka sigurado. You are just a feet away pero wala pa rin. Nanalangin ka na to anyone na magbigay ng signs na kilala mo nga to. Nakahanda na ang ngiti mo na kanina mo pa pinipigilan. Kung sakaling ngumiti to ay ready ka na. Ngunit lumampas na lang siya ay wala pa rin.  Tuloy sa paglalakad.


Ito yung mga sitwasyon na tinatawag nating “Identity Crisis” dahil di mo siya ma-identify kung sino. Nagmamadali kang magrecall sa inaamag mo ng utak kung sino itong nakakatagpo mo pero wala pa rin kaya di na lang kayo nagpapansinan. Para na rin sa kuwentong ito ay tawagin na rin nating Identity Crisis itong kakilala m na di ka sigurado kung kilala mo nga (Ang gulo ng sentence na to ahh).

 

Mahirap talaga pag ganito ang nangyayari.  Isa sa mga sitwasyon na di mo talaga alam ang gagawin. Pero sabi naman ng iba ay madali lang naman yan. Bakit di mo na lang daw ngitian kahit di ka sigurado? Di naman masama at kasalanan ngumiti kahit sa di mo kakilala. At kung sakali man na ito nga yung kakilala mo ay ngingiti din naman ito sa’yo di ba at yan na ang recognition. Pero sa pagngiti mo ay may kailangan ka ring sundin na mga guidelines.

Una, siguraduhing mo ang ngiti mo. Yung pleasant at mapapangiti yung nginingitian mo. Hindi yung ngiti mo na parang baliw at baka pagkamalan ka na manyak. Pangalawa, di ibig sabihin na ngumiti na ito sa’yo ay ito na talaga to’. Baka lang ngumiti to dahil ngumingiti ka at di mo naman talaga kakilala. Hintayin mo na siya ang unang humito o maki-usap. Pangatlo, tingnan mo ang iyong linalakaran, baka sa kangingiti mo ay di mo na napapansin na may poste na pala sa harapan mo.


Ngunit ang ganitong sitwasyon ay walang sinabi kung nasa Jeep ka. Kasi yung sa daan ay split seconds lang nangyayari, eh yung sa jeep buong biyahe. Dyahe talaga ang sitwasyong ganito na para mo ng gustong magwarp speed na lang kaagad yung jeep papunta sa destinasyon mo. Very awkward na moment na di kayo nagpapansinan at gumagawa ka na lang ng kung ano ano mang paraan para masabi ni Identity Crisis  na di mo siya nakita.


1. Nagtutulug tulugan. Madalas ito ang perfect excuse ng nakakarami. Kasabay open ng isang mata, para magcheck kung nandiyan pa yung kakilala mo na sa pagtingin mo ay nagtutulugtulugan din.

2. Kunyari nag-eenjoy ka sa view sa labas na puro jeep din o basura kaya doon ka nakatingin kaya daw di mo napansin yung kilala mong nakasakay. Pagkababa mo ay high na high ka na dahil sa usok nagaling sa mga tambutso.

3. Salamat sa ipod o cellphone na may music. Magsounds na lang para swak ang lusot mo. 

4. Sa isang direksyon ka lang nakatingin. Dun sa opposite kung saan naka-upo yung kilala mo. Pagkababa mo bili agad ng salonpas. May stiff neck ka na.

Ngunit minsan may nangyayri din na inaasahan, paano kung mas una ka pang bababa tapos nasa unahan ka pa naka-upo. Siyempre kung bumababa ka magkakatinginan kayo, di na uubra yung drama mo na di mo siya napansin. Kaya naman dahil ayaw mo ng awkward moment at di ka bumababa sa babaan mo. Hihintayin mo muna siya unang bumababa. After one hour ay bumababa na rin. Okay lang, sakay na lang uli ng jeep pabalik. Pagkasakay mo ay ay sasakay uli na Identity Crisis  and here we go again.

 

Heaven or Hell: Eleksyon Mayo Trese


A man died and when he was at the gates of heaven St. Peter told him that he will have the power to choose where he would like to go. Heaven or Hell. The answer was obvious of course. At first.
However there was a catch, he would first experience hell and heaven for a day, then he would choose where he really wants to be.

The first stop was Heaven. It was so white and peaceful. Angels was singing everywhere. Everybody was helping each other with smile on their faces. He was very pleased and would want to choose heaven.

Then Hell comes, he was surprised to see a very different place unlike what people used to describe it when he was alive. Instead of sea of flames he found casinos, resto bars, and disco houses. Everybody was having fun and having the time of their lives. Unlimited booze, dancing, karaoke, games, and every rockinrollinstuff he could think off. He had also met some of his former friends and the laughter begun. He hit the road and joined the fun.

The next day was the time to choose. St Peter asked him where he wants to be. He answered.

“Heaven was good. It was peaceful with all the angel singing stuff. I like it there. However, Hell was cooler and I enjoyed more of it there. So I’ll choose hell.”

“Okay then.” St. Peter answered and led him to Hell. When he arrived at hell he was surprised to see big fiery place which was so hot like an oven and everybody was treated like slaves. Gone were the night clubs and disco houses.

He asked the Devil beside him what happened. The Devil answered, “Yesterday was the campaign period. Today you voted. And now, welcome to Hell!

-Peter Paul

Naikuwento ito sa akin ng isa sa smartest kong kaibigan na is Peter noong college kame at ewan ko ba kung bakit pero sobrang na-amuse kame dito at tawanan ang barkada. Di naman siya yung joke na talagang mappapatihaya ka sa katatawa. Sa tingin ko nga yung iba simpling mapapangiti lang nito o kaya naman kung ideliver mo ito sa ibang tao ay titingnan ka lang ng malalim na parang sinasabi na ang baduy mo katulad nung nasa tabi namin na akala yata mga weirdo kame. Hindi ko alam kung ano nga meron sa joke na ito na halos di namin mapigilang di tumawa ng malakas o kaya naman malakas pa ang tama ng hang-over kagabi.

Pero kung sabagay naman, this is a witty joke, minsan yung titingnan lang talaga nung iba ay ang surface nito at di na maghuhukay for its deeper meaning. Sa pagbasa mo at pag-intindi ng kuwento masasabi natin na ang message ay “Never trust the devil”.  Huwag tayong magpapaloko. At bakit mo nga ba pipiliin ang impyerno kung di ka naman talaga tanga?  Never judge the book by its cover ika nga.

Ang kuwentong ito ay katulad din sa pagpili ng kandidato na ating iboboto. Ngayong papalapit na ang elelsyon ay marami na rin ang pakulo ng karamihang kandidato kung papaano nila mapagmumukhang maayos at astig ang impyerno. Sa oras ng kampanya ay napakamaraming pangako at plataporma na alam naman natin na hindi nasususnod ang kanilang ibinbato sa atin.

Ngunit dahil sa malulusog na kasinungalingan at malambing na salita ay nakukuhanila ang ating mga loob para maiboto natin sila. Gaya sa kuwento, naipappakita niala na maganda ang patutunguhan at mag-eenjoy tayo kung sila ang manalo na di natin alam na unit unti na tayong nahuhulog sa kanilang mga matatalim na palad. Simpleng ngiti with the cross-arm pose, nasisimulan na ang panlilinlang ng mga demonyo.

Kaya ngayong eleksyon, sana maging mas masusi pa tayo. Ang perang binibigay nila sa atin para iboto sila can be easily be replaced when they are in position. Tayo lang ang kawawa. Oo nga masarap tingnan ang maraming inuman, lahat ng ating kagustuhan na parang makakamit natin ngunit katulad sa kuwento, pang isang araw lang ito. Isang araw bibigyan ka ng pera para maiboto sila ngunit ilang taon ka ding maghihirap na parang alila pag sila na ang manalo.

Ngayong eleksyon piliin po natin ang langit. Tikman mo naman ang langit kaibigan.





Saturday, April 13, 2013

Pitong Nilalang na Makikita mo sa Impyerno



Siguro marami sa inyo ang naniniwala na sa langit mapupunta matapos mamatay. Lalo na yung mayayaman, siguro akala nila puwedeng i-bribe si San Pedro para papasukin sila sa langit. Yung mga pari rin, akala yata nila sure win ang pagiging pari para mapunta sa langit. Wrong dude, mas marami pa nga yatang pari ang napupunta sa impyerno kaysa sa langit.

Para sa aming karamihan na naniniwalang napakalaki ang posibilidad na mapunta sa impyerno (ngunit siyempre inaasam pa rin na mapunta sa langit), inihahanda na lang namin ang aming sarili  sa maaring maging kalalabasan nito. Ito ang guidelines sa pitong nilalang na makikita mo sa impyerno.


1. Manong. Si Manong na kilalala rin sa tawag na Warden, Sikyu, Bouncer o Gatekeeper. Si Manong ang tagabantay sa gate ng impyerno.  Kung wala kang maka-usap, pwede mo siyang malapitan at makakuwentuhan. Palagi niyang sinasabi na boring na daw ngayon. Nagceasefire na kasi ang langit at impyerno. Wala ng labanan. Mas maganda daw dati nung puro pa giyera. Araw-araw labanan. Ngayon contest na lang daw ang boss ng langit at impyerno kung sino ang makakakuha ng mas maraming tao na sa totoo lang wala naman talaga silang paki-alam dahil ginagawa naman lang nilang piyesa ng chess board ang mga taong namamatay.

Sa tagal na ni Manong nagbabantay ng gate marami ang nakakatakas dahil palagi naman itong tulog katulad ng mga security guard sa lupa. Ang kanyang pinakaiingatang gamit ay ang kanyang radyo na connected ang frequency waves sa lupa. Alam niya ang mga sikat na kanta mula kay Elvis, Beatles, Rolling Stones, Madonna, Backstreet Boys, at Michael  Jackson. Sa  katunayan, ipinagmamalaki pa niya ang radyo na na may pirma ni Michael Jackson bago ito sinubukang tumakas. Ngayon ay “Korean-pop” naman ang hilig niya dahil ito ang uso.

2. Hudas. Ito yung ayaw mo sanang makita sa impyerno ngunit alam mo nandoon ito. Si Hudas ang pinakadespised mong kaibigan secretly. Matagal mo na siyang kaibigan na puro lang kayabangan ang nailalabas sa bibig simula ng makilala mo siya. Madalas mo itong binabackstab ng nasa lupa ka pa. Ito yung kaibigan na pinakaayaw mo sa lahat ngunit di mo lang masabi dahil matagal na rin ang iyong pinagsamahan. Ito yung ayos na sana ang lakad ngunit bigla itong darating at nasisira ang araw mo. Ito yung kaibigan na habang kasama mo ay unti-unti mo ng pinapapatay sa utak mo.

Ilang beses ka na ring pinagtaksilan nito. Sinulot ang girlfriend o boyfriend mo. Kapalit ng tatlumpung pirasong kendi nung bata ka pa ay isinumbong ka sa magulang mo na nagcutting classes ka.

3. Raziel. Konti lang yata ang nakakakilala sa kanya dahil mas sikat sina Michael at Gabriel.  Si Raziel ay isa ding anghel (ang pinakapaborito ko sa lahat, nakilala ko siya dahil sa librong Lamb: The Gospel According to Biff, Christ Childhood Pal) na katulad ni Manong ay nangangarap pa rin ng giyera at bored dahil sa ceasefire. Siya sana noon ang maghahatid ng balita kay Mary na pinagbubuntis na niya ang Nakatakda ngunit dahil lasing na lasing ito galing sa pakikipag-inuman kay Satanas ay ibinigay na lang kay Gabriel ang misyon.  Ngayon ay siya ay naatasang posisyon na “Keeper of Secrets” , taga tago sa libro ng  mga misteryo at sikreto ng langit na madalas naman niyang naiikwekwento sa kanyang mga kainuman.

Madalas pumunta si Raziel sa impyerno dahil boring sa langit. Okay sa impyerno maraming inuman at strip clubs. Bawal din sa kangit ang green jokes movie at puro PG-13 ang mga palabas sa mga telebisyon. Pumupunta siya sa impyerno para manood lang How I Met your Mother.  Mahilig din siya sa mga telenovela at palaging nagmamarathon dito. Akala din niya na real life story ang telenovela at katulad ng nakakaraming “nanay” na nanood ay sumisigaw at sinisigawan ang tv pag may ginagawang di kanaisnais ang kontrabida sa storya.  Paborito niya ang Pangako Sa'yo. 


4. Satan Jr.  O mas kilala sa pangalang Jr.  Ito yung pinakamapanganib mong kaibigan at sa lupa pa lang, alam mo na na galing ito sa impyerno. Palagi itopng nakangiti, tumatawa, at maraming kuento na di kapanipaniwala. Isa sa mga joker ng tropa ngunit sa likod nito ay nakikita mo ang ngiti na nagsasabi na marami siyang alam tungkol sa pinakakatatagong sikreto.  Sa lahat ng mga kaibigan mo, siya ang pinakahuling tao na gusto mong nakaka-alam sa sikreto mo ngunit sa di maipaliwanag na dahilan ay siya pa mismo ang isa sa mga unang nakakarinig kung ano itong pinakakatago mo. Nakatali ang leeg mo palagi sa kanya dahil kahit anong gawin mo nakablackmail ka. Matalas ang pandinig at pang-amoy ng taong ito.

Madalas kang paikutin sa kanyang palad at ikaw na mismo ang naglalahad ng iyong mga sikreto sa kanya ng di mo namamalyan.  Ang mga dahilan nito ay masyadong malawak ang kanyang connections, maling tao ang nasabihan mo ng sikreto, may sarili siyang CIA, alam niya talaga ang lahat, madali siyang makapick-up ng mga pangyayari, masyadong magaling sa salita, o may tanga kang kaibigan na nakaka-alam ng sekreto at naiwan ang cellphone para mabasa ni Satan Jr.. Kung akala mo ay nakatakas ka na sa kanya, kakamali ka dude. Kahit sa langit ka pa mapunta ay nandoon din siya. DUAL CITIZENSHIP.

5. Satanas. Bestfriend ni Raziel. Madalas mag-inuman itong dalawa. Di naman talaga masyadong demonyo at nakakatakot ang mukha ni Satanas. Sa katunayan ay  rakers nga ito at chickboy pa. Si Satanas ay mahilig sa mga bagay na ipinagbabawal ng Simbahan tulad condom. Si Satanas ang epitomy ng kasiyahan. Mahilig siyang kumain ng marami lalo na ang masasarap na lechon. Paborito din niya ang Goldilock’s Polvoron. Di naman siya sosyal na pawine wine di tulad sa langit na puro mamahaling wine ang iniinum. Kontento na siya sa REDHORSE at mas  masaya nga dahil mas marami ang nakakasama sa pag-iinum nito.  Mahilig din  maglaro ng computer games at sa ngayon ay NBA 2k13 ang kinahihiligan nito. Nagsusubaybay din siya sa  Naruto at One Piece. All time peyboret niya movie ang One More Chance, dahil di miya malimutan ang girlfriend niyang galing sa langit.

6. San Pedro. Obviously alam mo na kung bakit. Sa impyerno lang naman may Sabungan. Para saan pa ba ang dala dala niyang manok.

7. At ang huli si Birhel. Siya yung "may tanga kang kaibigan na nakaka-alam ng sekreto at naiwan ang cellphone para mabasa ni Jr."  Ito yung kaibigan mo na kasama mo pa simula noon. Medyo maiinis ka na nga na pati ba naman sa impyerno ay magkikita pa kayo at magsasama. Siya yung palagi mong kasama sa inuman, kalokohan, at kung ano ano pang trip na iyong naiisip sa lupa. Siya ang may kasalanan sa mga INC at 5 na nakuha mo. Ito yung kaibigan nakasama mo kahit saan na nakakasawa na nga.  Ito yung mapapasabi ka na, “Ikaw nanaman!”, sabay roll eyes. Yung kaibigan na binigyan mo ng  love advice at sa halip na magkabalikan sila ng girlfriend nito ay nakabuntis ng ibang babae. Siya yung agad agad na lang matutumba sa mesa dahil sa labis na kalasingan. Bilanggo din sa beer.  Siya yung  kaibigan mo na palaging may 500 pesos na inilalabas ang ATM para lang sa inuman. Siya yung pinagdudhan mo kung may crush ito sayo dahil palagi kang hinahanap. At ngayong nasa impyernio ka na, tama nga ang iyong hianala, bading si Vergel.

Pero sabagay, kung nasa impyerno ka naman lang, mabuti na rin nandun si Birhel, nakatawa kasama sa mesa si Manong, Raziel, Hudas, Satanas, Satan Jr., at San Pedro, sabay sisigaw sayo, “Oi Pare! Tagay!.”

Di kaya isang tropa lang sila mga demonyo,
San Pedro at ang Diyos
Tinatagayan lang ni Hudas si Satanas,

At aTing Diyos aMa.






PS: Ito ay puro kasiyahan lamang. Kuwentong kalye. Kung itinatanong mo kung saan napunta si Michael Jackson matapos tumakas ay napunta siya sa Walang Hanggan. Kung itinatanong mo kung saan ito ay di ko maaring ilahad. Makipag-inuman ka na lang kay Raziel dahil siya naman ang nagtatago ng “Book of Secrets”. Ang paniniwala ay nasa sa iyo lang. Di dahil may nabasa ka nang ganito ay magpapa-apekto ka na. At kung nagtatananong ka kung bakit wala dito yung mga Politicians, di na kasi sila dumadaan sa impyerno, direcho na sila sa Walang Hanggan.

Yours Truly,
Satan Jr.

Monday, April 1, 2013

Stir Box



Caramel Macchiato, please”

Naks sarap pakinggan di ba, very high class. Binibigayan ka ng pakiramdam na may kaya ka at kasali sa mga elite na mga mamamayan. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Starbucks sa mga customer na bumibili ng kape sa kanila. Ang pakiramdam na “I can afford” at “I’m not just an ordinary person.”

Halos lahat ng mga Pinoy lalong lalo na ang mga estudyante at narinig na ang Starbucks, an pinakasocial na cofffe shop dito sa Pilipinas. Sa kamahalan naman ng presyo ng mga kape dito ay magbibigay talaga ito ng pakiramdam sa mga tao na kung sino man ang bumibili dito ay  kasali sa upper social class dahil may kakayanan silang gastusin ang ganyang pera para lang sa kape.

Ang Starbucks ay isang simbolo ng pagiging sosyal dito sa Pilipinas. Kung mapapansin mo ang ambiance sa loob ng coffee shop na ito wih the amazing floor tiles, sa wallpapers, sa pagproprocess ng iyong coffee hanggang sa american atmosphere; mararamdaman mo talaga na isa kang napakaimportatnteng tao at naiiba sa mga tao doon sa labas na di makayang makabili dito. Kung sa America ay ito isang kapehan lamang na kasali sa everyday routine ng halos lahat ng working class na bumili ng kape araw-araw (para ito sa walang oras para magtimpla ng kape), dito sa atin ay para ito sa mga mayayaman. Kung sa America halos lahat may kayang bumili dito (it may be expensive in the US too but at least they can afford it), dito sa atin ay iilan lang.  Bininigyan ka nito ng sense of belongingness to the sosyalera class. 

Para sa estudyante nang makapagkape sa Starbucks ay isang malaking level up sa kanyang buhay kolehiyo. Sabay order ng piakamurang offer at picture naman sa cellphone. Connect sa wifi, facebook, upload, primary pic, tapos post naman ng “In Starbucks” . . . viola. Pinagsisigawan ng na “I belong”.  Nag-iipon kaover a week na halos wala ka na lang kainin para sa sabado makasama mo ang iyong “mayayaman” na kaibigan (na di mo alam ay katulad din sayo na super-save may pera) para magkape sa Starbucks.  Here are some visible manifestations ng Starbucks craze sa kabataan,

1.       Puro biscuit lang ang kinakain, di naglulunch. At kung magspy ka talaga, naka-pancit canton diet lang ito.
2.       Kung tanungin mo naman kung bakit di naglulunch, “I’m on a diet.” Kahit nangangayayat na yan at mukhang may anorexia.
3.       Very excited ito pagdating sa araw na pupunta kayo ng Starbucks.
4.       Ang pinakamagandang dress o damit nito ang suot.
5.       Kahit puede naman na isa lang sa inyo ang mag-oorder, lahat kayo pipila sa counter. Ni isa sa inyo ay  i-foforfeit ang karapatan maka order ng “One mocha frapuccino please.”
6.       Mejo pasigaw ang pag-order. This was on purpose para marinig ng lahat na umorder ka ng kape in Starbucks which is di  di naman talaga kailangan dahil obviously nasa loob ka naman ng Starbucks.
7.       Siyempre yung pangalan. Importante talaga ito. Yung name mo nakasulat sa lalagayan ng kapeng order mo. 
8.       Pipili ito ng isang magandang pwesto, preferably dun sa kung saan makikita siiya ng mga taong dumadaan. Pag may nakitang kilala kakaway na parang artista. Very essential na may dumaan na kilala siya.
9.       She would invite the person she know to come inside pero alam niya na hindi ito makakapasok dahil walang pambili ng mahal na kape. She would feel very special dahil kasali siya sa ilang tao na makakabili.
10.   Okay lang ang group pics. Pero kung isa ka lang ay iba na ito. Dapat sa picture kitng kita ang logo ng starbucks o ang kape. Maraming shots ang kukunin dahili dapat perpekto ang iyong starbucks photo.
11.   Tapos i-uupload naman sa facebook sabay status, “Having Coffe at Starbucks.”  Naks world-class.


Sigurado ako may kaibigan kang ganito o baka ikaw na rin na nagbabasa nito. Wala namang masama dito, the Starbucks craze is happening since they had come here. Karapatan ng bawat isa sa atin gastusin ang pera natin whichever way we want and feel the satisfaction in doing so. Kahit paminsan minsan masarap naman maramdaman na importatnteng tao ka, kahit pakiramdam mo lang na sa totoo wala namang pakialam ang mga tao sa iyo kahit mamahaling kape pa ang inumin mo. This post was not meant to humiliate but just made to point out one of the Filipino ways. At kahit naman ako magpapapicture naman talaga sa Starbucks with the coffee. Hahahahahaha.

Sa totoo lang naman, being in Starbucks is a luxury, at sana huwag mong isakripisyo ang iyong kalusugan dahil sa luxury na ito.


PS: Ito ay katuwaan lamang. Ang ilang mga imahe ay nakuha ko lang sa google.

Welcome To College, Kid



College life. Kung may yugto man sa buhay ng isang tao na hindi niya malilimutan, ito ang pagtungtung sa kolehiyo. Sa likod ng lahat na kahirapan sa pag-aral, mga term papers na d matapos, requirements na walang hanggan, exams na galing sa impyerno, at kung ano ano pang gawain na naiisip ng mga prof ay di mo pa rin maipagkakaila na kahit papano masaya  at naging makulay ito. Dahil sa buhay kolehiyo  . . . . .

.   .  . kahit ikaw pa ang may pinakamalapit na dorm sa skul, ikaw ang palaging nahuhuli at late sa klase.
.   .  . masarap mabigyan ng mas malaking allowance na nauuubos mo kaagad mg isang araw.
.   .  . nung first year ka, hindi lahat ng sumisipot sa klase at umupo sa teachers table ay mga prof o instructor mo.
.   .  .  at di lahat ng seatmate mo ay kaklase mo. Kaya mag-ngat ingat sa sabihin dahil baka prof mo na nagpapanggap na estudyante ang sinabihan mong, “Narinig ko boring daw ang klaseng ito.”
.   .  . masyadong mahaba ang pila sa cashier. Kahit lunch break na, nakapila ka pa rin.
.   .  .  na huwag kumuha ng 7am klases, halos 90 percent ng sem late ka.
.   .  . late din ang prof mo.


.   .  . napakaterror ng ibang prof, na di mo alam na kung saang parte ng impyerno nanggaling ito.
.   .  . may subject na kahit di ka pumasok ay pasado ka pa rin.
.   .  . hindi palaging incomplete ang ibig sabihin ng INC.
.   .  . kahit gaano pa kaperperpekto ang una mong draft para sa thesis, draft pa rin ito at for revision.
.   .  .  may mga genuises sa klase, na kahit di ito mag-aral ay papasa pa rin ito sa exam.
.   .  .  may mga napaka-genius din sa klase, politiko o kilala ang magulang.
.   .  . na makakuha ng sinko ay di pa naman katapusan ng mundo.
.   .  . ang group study ay hindi naman talaga group study.
.   .  .  sa pagpapaenrol, sa halip na pumila buong araw ay mag-DOTA ka muna or maglaro ng anong kompyuter  games buong maghapon at bumalik na lang pag-alas 4 dahil hindi na mahaba ang pila.
.   .  .  ang mga overnight at walang tulugan na projects ay puro lang tulugan.
.   .  .  ang inspirasyon para sa isang magandang output para sa essay ay lumalabas lang pag ilang minuto na lang para deadline.
.   .  .   hindi naman talaga binabasa ng ilang prof ang out put mo.
.   .  .  yung kaklase mo na pina-xerox lang yung project mo ay mas malaki pa ang na gradong nakuha kaysa sayo.
.   .  .  yung mga short quiz ay hindi naman rinerecord talaga ng mga prof at dumidiritsu lang minsan sa basurahan.
.   .  .  you must turn-off your cellphone before bago mag-exam kung ayaw mong  i-crumple ng prof mo yung test paper mo.
.   .  .  pag-exam malalaman mo pala na marami pala kayong magklasmates sa isang subject. Yung iba kasi alternate lang pumapasok.
.   .  .  ayus palang magreport ng lasing. 
.   .  . ayus din magtake ng exam paglasing.
.   .  .  masarap ang redhorse.
.   .  . deads ka sa una mong hang-over. May bonus pang allergy. Ngunit himala rin na makakapasok ka sa klase. Dun na kung veterano ka ng uminom palagi ka ng absent.
.   .  .  mali pala ang klasrum na napasukan mo dahil lasing ka.
.   .  .  puedeng itago sa C2 na bote ang empe light.
.   .  . makikilala mo ang tunay mong barkada.
.   .  . may makakasilamuha ka hirap at saya.
.   .  . di lang ikaw ang nag-iisang INC o nahulog.
.   .  . bawat pagkabigo ay mayroon pa ring pag-asa.
.   .  . di mamatawaran ang experience na makukuha mo sa pagpasok eskwela.
.   .  .  masaya tumambay sa unibersidad.
.   .  . natuto ka kahit tamad kang mag-aral.
.   .  . sa hirap ng mga gawain, projects, exams at sa dami ng reklamo mo, nalalaman mo sa huli at di mo maipagkakaila na may natutunan ka.
.   .  . mamimiss mo rin ito pag graduate mo.
.   .  . malalaman mo na di matatawaran ang alaalang ibinigay sa iyo dito.

Bawat bata, kahit sino may karapatang makapag-aral. Maranasan ang mga bagay-bagay na sa pagtungtung lamang sa kolehiyo malalaman kung ano pakiramdam na nito. Makita na masaya naman pala ito. Lahat tayo may karapatan sa edukasyon. Ngunit sa nangyayari sa bansa natin, palaki ng palaki ang gastusin para sa panmatrikula. Maraming mga kabataan ang hindi nakakatuntung sa kolehiyo. Di nakakapagtapos dahil walang maipag-aral. Puno ng bayarin sa paaralan.  Pinipigilan makapag-enrol dahil sa utang.

Sa mga unibersidad na sana abot-kaya ang panmatrikula ay patuloy na tumataas ang mga bayarin. Sa dating unibersidad na panmasa, na para sana sa may mga talento at natatanging kaalaman upang gawing scholar na ngayo’y nagiging paaralan na ng mga mayayaman. Nasaan na ang unibersidad  na ginawa ayon sa Konstitusyon, to guarantees the right of every Filipino youth to quality and affordable education?  Hanggang kailan pa ba magbubulagbulagan ang ating gobyerno? Ilang buhay pa ba ang kailangan ibuwis para lamang pansisinin nila ito?


Everyone has the right to education. Everyone has the right to feel the life of being a college student.

 EDUCATION IS NOT A PRIVILEGE.



PS: Ang post na ito ay para kay Kristel  (Tejada), na sa kanyang kagustuhang makapa-aral ay nagpursige ngunit dahil sa isang bulok na sistema ay nabawian ng buhay. May you rest in peace.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...