Hinahanap Hanap Kita (in english "Search Box")

Blag!!!!!

Ang blog na ito ay para sa kabataan, sa mga mahilig magbasa, gustong magpalipas oras, para din sa inaantok o sa gustong matulog, gustong mabadtrip at mabuwset ang araw. Para din sa gustong tumawa (hindi sa galak kundi dahil sa "it's so absurd"), sa mga walang magawa, lalo na yung nasa mga opisina , para din sa magmamaster beat lang, sa mga kababaihan, estudyante, sa mga nabubulag, at lalong lalo na sa iyo na nagbabasa ngayon na alam kong mahal na mahal mo pa rin ang ating inang bayan. =) rakenrol!!!

GOOGLE

Sunday, January 10, 2016

Disiplina: "Ma'am, pumila lang po tayo"

Ilang ulit ko nang naging topic dito sa aking blog ang tungkol sa disiplina. Madalas kong banggitin (kahit ako ay nahihirapan dito) na  disiplina ang kailangan para umunlad ang ating bayan. Naalala ko lang, dahil sa kuwento tungkol sa aking kaibigan.

Isa sa pinaka-ayaw natin pagdating sa gobyerno o ano pa mang gawain ay ang pag-pila. Oo, ang lintik na pila. Pero dito sa bansa ay parang bahagi na ng ating kultura ang pag-pila. Ang oras natin ay halos nauubos dahil sa pag-pila sa pagbayad, sa pagsakay, sa trapiko, at ano-ano pa. Kahit anong gawin ng gobyerno na guidelines para maibsan at mapadali ito ay pumapalpak. Bakit? Dahil tayo mismong mga pumipila ang matitigas ang ulo. Walang disiplina. Lahat gusto mauna, marami ang sumisingit, yan tuloy marami ang nahihirapan.

Ang kuwentong ito ay tungkol sa kaibigan kong naging presidente ng kanilang Student Council sa kolehiyo. Ang katangi tangi talaga sa taong ito ay ang kagustuhan niyang tumulong.

Magpapasukan nanaman noon, siyempre enrollment. At kung enrollment, nandiyan ang mahabang pila sa cashier, maliban na lang sa ibang pang office kung saan nag-eenlist nang subjects ang estudyante. Pero sa lahat ng pila, wala talagang tatalo sa may cashier. Kahit maaga ka pang pumunta sa paaralan, lagi nang may mauuna sa'yo. Ang masaklap pa, masyadong mahaba na ang pila.

Bilang presidente ng paaralan ay gumawa ng guidelines ang Student Council kung paano maiiwasan ang mga sumisingit at maging maganda ang daloy nito para kahit papaano maging maayos at maging patas ang lahat.

Pero alam naman nating malabo ito, dahil marami pa rin ang pasaway, mga sumisingit at ayaw makinig. Subalit dahil na rin sa pagpupursigi ng Student Council bilang isang grupo at pagkakaisa ng mga estudyanteng gusto ng patas na pagpila ay naayos din nila ito. Problem solved?

Of course hindi, dahil may mas malalang problema. Dahil yung mismong sumisingit na ay mga opisyal ng paaralan, mga guro, at mga kilalang tao na ituring mga VIP. Siyempre, feeling nila mas mahalaga sila kaysa mga estudyante kaya may mga pribilehiyo sila, at isa na dun ang kaagad makakabayad sa cashier kahit kakarating lang nila at maghapon ng nakapila at gutom ang mga estudyante. Nakakatawa nga, sila yung feeling privileged, eh yung bumubuhay sa kanila galing sa tuition na ibinabayad ng mga estudyante.

Walang magawa ang ilang miyembro nang Student Council dito, di nila kayang mapagsabihan ang mga Prof at Admin personnel dahil sa takot na mapagalitan. Dahil kahit tama sila, di naman papatalo ang mga "matatanda". Yung mga estudyanteng pumipila kahit bakas sa mukha pagkainis, wala ring imik. Paano kung sa kanilang klase sila balikan ng mga sumisingit na professors? Paano kung ipatawag sila sa admin? Walang imik na lang, dahil sa paaralan, power struggle pa rin.

At sa di inaasahan ng lahat, lumapit yung kaibigan ko sa bagong sumisingit nanaman na "titser" sa pagbayad. Sabi niya, "Ma'am, kung puwede pumila lang po kayo. May pila naman. Nakakahiya sa mga estudyanteng kanina pa naghihintay." Walang imik ang lahat, tumahimik. Akala ng marami ay magagalit yung titser. Pero bigla na lang itong umalis, nakaramdam din ng hiya. Pagkatapos nito ay nagpalakpakan lahat ng estudyanteng nakapila. ngumingiti sa kaibigan ko. Hindi daw sila nagkamali sa pagpili sa kanya bilang leader.

Nakakatuwa ano? Kaya naman pala. Bilib talaga ako sa kaibigan ko. Nagawa niya yun. Siguro kailangan lang natin bawat Pilipino ng mga katulad niya. yung magsabi na "konting disiplina naman dude". Kung sisimulan natin sa mga simpleng bagay, sigurado gaganda rin ang ating mga buhay. =D

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...