Hinahanap Hanap Kita (in english "Search Box")

Blag!!!!!

Ang blog na ito ay para sa kabataan, sa mga mahilig magbasa, gustong magpalipas oras, para din sa inaantok o sa gustong matulog, gustong mabadtrip at mabuwset ang araw. Para din sa gustong tumawa (hindi sa galak kundi dahil sa "it's so absurd"), sa mga walang magawa, lalo na yung nasa mga opisina , para din sa magmamaster beat lang, sa mga kababaihan, estudyante, sa mga nabubulag, at lalong lalo na sa iyo na nagbabasa ngayon na alam kong mahal na mahal mo pa rin ang ating inang bayan. =) rakenrol!!!

GOOGLE

Thursday, January 17, 2013

Bayang Magiliw




Bayang Magiliw. Ito ang kadalasan sinasagot ng kabataan at pati na rin ng ilang matatanda kung tinatanong tayo kung ano ang pambansang awit natin. Tapos pagsabihan mo na Lupang Hinirang ang pamagat nito ay mapapatawa na lang kayong dalawa. Normal na lang na mapagkamalan na Bayang Magiliw ang pamagat ng ating pambansang awit. Ito naman kasi ang panimulang linya sa lyrics ng kanta kaya bago paman natin mapigilan ang ating sarili ay automatic na ito ang ating naisasagot. No harm done. Sa katunayan ay nagbibigay pa ito ng katuwaan sa lahat dahil sa “bloopers” na nagawa mo. Ebribadi happy ika nga.

Ngunit kung iisipin nating mabuti ay isa ito sa pinakamalaking lamat ng ating pagka-Pilipino. Wala na sa puso natin ang paggalang sa ating pambansang awit. Kung mapapanood mo sa T.V. at ilang mga videos makikita mo talaga ang pagpapahalaga ng mga tao sa ibang bansa sa kanilang National Anthem. Kung Mexico lang ang pag-uusapan ay maririnig mo talaga na sumasabay sila sa pag-awit. Taas noo at marangal na pinapahiwatig ang pagmamahal sa bayan. Pero dito sa Pilipinas? Wala, wala na ang paggalang sa bandila na simbolo ng ating kalayaang pinaghirapan ng ating mga bayani.

Nanood kami ng sine kasama ng nanay ko at kapatid. Last full show. Maganda na ang pagkakaupo ko nun nang biglang tumunog ang Lupang Hinirang bago magsimula ang palabas. Agad akong napatayo at muntik nang mahuog yung popcorn. Nakakalungkot ang tanawin na yun. Trenta porsyento lang ng nandoon sa sinehan ang nakatayo at iginagalang ang kanta. Yung iba nakaupo lang at walang pakialam, sabay kain ng popcorn. Yung iba tingin ng tingin sa aming nakatayo at tila nangungutya pa. Sarap batukan. Konting galang lang naman ang hinihingi ng bayan di pa maigbigay.

Kung napapadaan kaming magkakaibigan sa isang parke na my flagpole o sa mga opisinang gobyerno ay humihinto talaga kame at nagbibigay  galang pag natiyempo na flag retreat. Tumitigil din naman ang halos lahat pag nangyayari ito pero meron ding makakapal ang mukha o sadyang banyaga lang talaga na walang pakialam. Eh mabuti pa nga yung mga foreigner eh tumitigil din sa ginagawa habang nakikita nila ang pagrespeto ng mga Pinoy sa bandila pero sadyang may wala lang talagang pakialam. Sabagay di ka naman huhulihin pag di mo iginalang ang bandila natin.

Naalala ko pa noong elementarya pa ako at mahigpit na ipinatutupad ang paggalang sa bandila. Bawal kumilos habang nagflaflag retreat. Lalo na pagkinakanta na ang Lupang Hinirang ay dapat straight ang tindig, kanang kamay sa may puso, at kakanta. No unnecessary movements. Pag gumawa ka ng mali, lagot ka kay maam. Pero hinayupak naman o, naiihi ako noon. Sobrang mamatay na ako dahil punong puno na ang pantog ko. Kaya sa parte na “Buhay ang langit sa piling mo” ay naramdaman ko rin ang langit nang maihi ako sa shorts ko. Panandaliang langit dahil ang sumunod ay kantsyaw, pati si Maam natawa noon lang hiya. Pero dahil dun ay ako ang nabigyan ng most obedient student award. Di nagtagal nalaman ko rin na linoloko lang pala ako. Ngunit habang naiisip ko yun ay naalala ko ang dating damdamin na mapagmahal sa bayan na tila nawawala na sa akin. Ano nga ba ang nangyari?

Siguro dahil na rin sa kabulastugan at kawalang halaga na ginagawa ng gobyerno sa loob ng maraming taon ay nawala na rin ang pag-asa na nakikita ng mga Pilipino habang  winawagayway ang ating bandila. Kung noon nakakataba pa ng puso ang pagkanta at pagtindig habang naririnig ang pambansang awit ngayon ay para na lang itong tunog ng lamok na umaaligid sa ating mga tenga. Kahit ako na tumatayo pag naririnig ko ang pambansang awit ay di ko na nararamdaman ang “pride” na nasa akin noon nang kinakanta ko ang pambansang awit. Nawala na habang namulat ako sa katotohanang napakarumi ng politika sa Pilipinas. Ang pag-asang binibigay sa akin noon ay wala na at naglaho.

Ganito na rin ang nararamdaman ng karamihan. Dinadala ng mga politiko at kanilang pamamalakad sa gobyerno ang dangal ng bansa at bandila ngunit dahil sa gingawa nila ay nawawalan na rin ng paggalang sa ating bandila ang karamihang Pinoy. Patuloy na naghihirap ang  mahihirap, walang magawang matino ang gobyerno, puro kurapsyon at nakawan. Sa tingin mo ba ay magkakaroon ka pa ng gana na tumayo tuwing tumutugtug ang pambansang awit. Nawala na ang pag-asa. Nawala na ang bukas. Kanya kanyang kayod na ito.

Sana umabot pa ako sa panahon na taas noo kahit kanino pa ring kakantahin ng lahat ng mga Pinoy ang ating pambansang awit. Yung maririnig mo ang lahat sabay-sabay kumakanta. Mararamdaman mo ang pagiging makabayan ng lahat. Sana hindi pa huli ang lahat para sa mahal kong Pilipinas.



No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...