Wala na akong ideya kung ano na ang
kalagayan sa bahay namin. Kung may nagbago na hitsura nito o doon pa ba kami
nakatira. Ilang linggo na akong di umuuwi, nakasanayan na sa ibang bahay
natutulog. Hindi na ako umuuwi sa amin, hindi rin naman ako hinahanap. Ayoko
rin naman doon.
Mabuti na lang at marami akong naging
kaibigan noong dalawang taon ko sa kolehiyo. Mga “generous” na mga kaibigan na
handa akong patulugin at patirahin sa bahay nila kahit ilang araw. Libre pa ang pagkain at isa nga ay tinuturing
na akong pamilya ng mga magulang niya. Nakakahiya na nga na palagi akong
nandoon pero sila rin ang bumubuhay sa akin kasama ang ilang kong kaibigan. Sa
loob ng isang linggo, limang araw diyan ay lasing akong nagigising, yung
dalawang araw ay sabok sa kayoyosi o marijuana. Yan na ang buhay ko. Walang
direksyon at patutunguhan.
Noon ay hinahanap pa ako pag di umuuwi
ngunit nasanay na rin sila at pinabayan na lang ako. Kahit isang buwan pa ako
mawala ay di na nila ako hinahanap. Pagkakauwi ko ay kinabukasan aalis nanaman
ako habang pinagagalitan ng nanay ko dahil umuuwi lang ako para mag-iwan ng
labahan. Ayoko naman sa bahay natutulog, may kahati na nga ako sa kama,
naitutulak pa ako sa kalagitnaan ng gabi. Mabuti na lang sa bahay ng ga
kaibigan ko, komportable at ayos ang pagkatulog matapos ang isang masayang
inuman. Ako ang taong palaging present sa inuman, yan ang naisusukli ko sa mga
kaibigang bumubuhay at lumilibre sa akin. Masaya at makulet naman kasi akong
kasama.
Dati masarap kong umuwi sa bahay. Noong
may kaya pa ang pamilya. Pangatlo ako sa amin at nag-aaral din ako noon. Dating
opisyal si Erpat ng isang konggresista at dahil matalik silang magkaibigan ay
maganda ang pamumuhay namin. Kayang mapagsabaysabay kaming papag-arali kahit si
Erpat lang tratrabaho. Maganda ang kita noon at sa isang subdibisyon pa kame
tumitira. Ngunit ng sa ikalawang taon ko na ay biglang bumagsak ang pamumuno ng
kongresista at kasabay doon ang pagbagsak ng pamumuhay namin. Napatunayan kasi
na nangungurakot ito kaya tinanggal sa puesto at nakulong. Mapapasama na nga si
Erpat noon pero napatunayan naman na wala siyang kinalaman sa mga ninakaw na
pera ng bayan. Kaya lang yun, nawalan ng trabaho si Tatay.
Dahil graduating na si Ate noon at si Kuya
naman ay third year na ay ipinagpasyang ako muna ang titigl para makagradwyet yung dalawa. Naintindihan ko naman yun, ayos lang. Tumulong na
lang ako sa bahay. Gradwyet na si Ate ngunit kaagad nag-asawa kay di nakatulong
sa problemang financial sa bahay. Si Kuya ngayon ay di pinalad at ikapitong
taon na niya sa Engineering na course. Tinanong ko sa mga magulang ko kung
kailan ako babalik sa pag-aaral, dalawang taon na ako noon na hindi nag-aaral
at si Kuya ay 5th year. Puwede naman na bumalik na ako dahil gradwyet na si
Ate. Sabi nila noon na susunod na year. Handa na sana akong bumalik ngunit di
natupad ang pangako nila, di nakagradwyet si kuya, kulang sa budget. Hintay daw
muna ako.
Nasaktan ako sa nangyari. At doon na ako
nagsimulang maglakwatsa. Pinagagalitan nila ako pag-uuwi ko ng madaling araw o
alas dos ng umaga. Wala daw akong patutunguhan, eh sino ba ang may dahilan?
Ipinagpatuloy ko ang ganitong buhay hanggang sa hindi na ako umuuwi at sa ibang
bahay na natutulog. Mas mabuti doon, hindi maingay at komprotable ang sofa. Hindi
ko naman ipagsisiksikan ang aking sarili kung ayaw niyo sa akin. Sa pamilyang
wala namang pakiaalam sa akin.
Ngayon ay ang bunso na namin ang nag-aaral
sa kolehiyo. Talagang noong una pa lang ay wala na silang plano na papag-aralin
ako. Nandun si kuya walang trabaho at nakakapit sa remote. Ayoko sa bahay. Di
ako dun makatulog.
Pauwi na ako sa amin, sigurado pagpasok ni
hindi ako titingnan ni erpat. Malamang walang paki-alam si kuya. Yung bunso
namin, kaaway ako dahil palaging mausok ang kwarto namin pag nandoon ako. Kung
di lang sa bunganga ni Nanay na ako palagi napapansin ay siguro para akong
multo sa sarili naming bahay. Ayokong umuwi, malapit na ako sana sa amin, ng
bigla kong pinara ang tricyce. Doon na lang ako sa bahay nila Bok. Doon na lang
ako makikitulog.
No comments:
Post a Comment