Piso. May piso ka na lang sa bulsa mo.
Kaya mo bang makipagsapalaran kung isang piso na lang ang pera mo? Ano na nga
ba ang nabibili ng isang piso ngayon? Hanggang saan na ba ang naabot ng piso ng
Pilipinas. Mula sa malalaking bilog na piso noon hanggang ngayon sa malilit na
coin na paliit nang paliit pa ang halaga.
Kasabay daw ng pagliit ng laki ng barya
ang pagliit ng halaga nito. Kung maaalala niyo, malalaki dati ang barya ng piso. Mas malaki
pa sa sampung piso ngayon, kasing laki ng takip ng Vicks o ng takip garapon ng enervon.
Ganun rin kalaki ang halaga ng piso noon. Noon marami na ang nabibili ng
isang piso. Busog na busog ka na sa rami ng chichirya na mabibili mo. Noon
naalala ko pa, isang piso pa lang ang pamasahe sa tricycle, kung bata ka ay
singkwenta sintemos. Pati sa mga dyip ay piso rin ang pamasahe. Ngayon subukan
mong magbayad ng piso sa dyip ehhh baka pagulungin ka. Naaala niyo pa ng apat na
kendi yung nabibili ng isang piso. Apat na maxx na pula yun. Tuwang tuwa ang loko noon pag may apat akong maxx. Ngayon
isang piso na, swerte pag may nagbebenta pa ng
dalawang piso para sa tatlong maxx. Yung cotton candy. Isang cone ng ice
cream. May dalawa ka na ring chichirya noon, yung may kasamang action figure na
gawa sa plastic o goma. Yung sa amin gundam yun. Madalas ako bumili ng marami
noon tapos laro kami ng “tira-tira” pag masapol mo yung action figure ng isa,
sayo na yun, depende rin sa pusta. Anim na holens yung nabibili ng piso. Walong
maliliit na teks at apat naman kung malalaki. Apat na mik-mik at choconut. Tatlong cellophane
ng bobot. Labing anim na pink na bubble gum na nagpapapink ng dila. Dalawang
pintura bubble gums. Plastic balloons. Dalawang piraso ng polvoron na kung
swerte ka may isang piso na prize. Dalawang tsansa para bumugot ng numero sa
mga prizes. Puede ka ring manalo ng manok. Dalawampung rubber bands. At sampung
piraso ng papel.
Mayaman ka na noon kung may kakayanan kang
gumasto at gumasto lang ng piso. Pero madali lang ang kaligayahang ito dahil
bigla bigla umangat ang mga presyo at bumaba ang halaga ng piso. Yung
sigarilyong Champion na mabibili mo ng tatlong piraso sa isang piso ay naging
isang piso na yung presyo kasabay ng maxx at mga chichiriyang may goma. Sa
isang taon ay apat na beses nag-iba ang presyo ng pamasahe. Yung dating piso
naging wanpipti, dos, tupipti hanggang kwatro. Kung allowance mo isang araw 10
pesos, dati may six pesos ka pa para gastusin. Ngayon, lalakad ka na lang pauwi
dahil kulang na.
Kasama ng pagbagsak ng piso and pagbagsak
ng ekonomiya ng Pilipinas. Biglang nag-iba ang pamumuhay sa Pilipinas noong
pumasok ng dekada nobenta at mas lumala pa hanggang ngayon. Pamahal nang pamahal
ang bilihin. Pitong piso na ang pamasahe sa short ride. Pamahal nang pamahal ang
mga bilihin. At walang ginagawa ang ating mahal na gobyerno. Habang yumayaman
ang mga politiko ay parami nang parami ang mahihirap. Pabagsak nang pabagsak ang
pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino.
Kailan pa ba kikios ang gobyerno? Paliit
nang paliit ang halaga ng piso. Hihintayin pa ba ito hanggang maging kasing
halaga na lang ito ng isang sentimo?
No comments:
Post a Comment